Dear Dr. Love,
Kaming mag-asawa ay pinalad na magkaroon lamang ng isang anak na lalaki. Kapwa may edad na kasi kaming nang makaisip na magpamilya. Sa sipag at tiyaga ay nakapagpundar kami ng sariling bahay at lote; maging ng isang grocery na malakas ang kita dahil nag-iisa lang na tindahan sa aming subdivision.
Sa kakataboy kay Anthony na mag-asawa na, nagpakasal siya sa long time girlfriend niyang si Gina. Pero ang totoo po ay nung una pa lang ay hindi namin siya kursunada para sa aming anak. Dahil sa ugali niyang makasarili.
Mula nang makasal sila ay nangyari ang lahat ng aming pangamba, Dr. Love. Unti-unti hanggang sa halos hindi dumalaw si Anthony sa bahay at nang dumating ang aming apo ay inilalayo ni Gina ang mga bata sa amin.
Nasabi ko po ito dahil sobrang timing naman na kapag araw ng bisita namin sa mga bata ay hindi namin sila pwedeng isama sa Luneta o kaya sa mall para mabilhan ng gusto nilang laruan.
Nang mamatay ang aking mister ay pabalat-bungang nagpunta si Gina, inalok din ako ng aking anak na sa kanila tumira para may makasama. Pero tumanggi po ako, ayaw ko rin ibenta ang mga properties namin. Kumuha ako ng malayong kamag-anak para maipagpatuloy ang pagpapatakbo sa negosyo.
Dr. Love, matagal na naming nagawa ng aking asawa ang huling testamento na si Anthony ang magmamana ng lahat. Pero ngayon po ay nagbabago na ang isip ko. Balak ko na sa pamangking nagtitiyagang mag-aruga sa akin ibigay ang bahay at lupa; cash at pera sa bangko lang ang sa aking anak. Tama po ba ang saloobin ko? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Mrs. Abrenica
Dear Mrs. Abrenica,
Sa palagay ko ay nagdaramdam ka lamang sa iyong anak, lalo na sa iyong manugang kaya ka nakakaisip na bawasan ang pamana sa iyong anak. Mas mabuting saka ka na lang magdesisyon kapag wala na ang hinanakit sa kalooban mo. Makakatulong kung bibigyan mo ng panahon na makausap ng heart to heart ang iyong anak para masabi mo sa kanya ang lahat ng pagdaramdam mo.
Kapag ok na, saka mo balikan ang pagpapasya para sa testamento. Kung mananatili ang pasya mo, ikaw lang ang makakaalam.
Maligayang Pasko sa’yo.
DR. LOVE