Dear Dr. Love,
Mahal ko po ang asawa ko at hangga’t maaari, nais kong lagi siyang maagang umuuwi para may panahon pa siyang maka-bonding ang aming lumalaking mga anak.
Pero laging pagod si mister pag-uwi ng bahay dahil isa siyang electronics mechanic at karaniwan siyang nagsasagawa ng repair work sa iba’t ibang opisina na parukyano ng kanilang opisina.
Wala na siyang masyadong panahong maglinis muna ng katawan kasama na ang toothbrush pagkakain at matapos makapagpahinga ng kaunting oras, gusto na niyang matulog.
Lagi niya akong tinatawag na tapusin na agad ang paglilinis ng kinainan at paghahanda ng mga gagamiting damit ng mga bata kinabukasan sa maagang pagpasok sa eskuwela.
Bilang asawa alam na ng mga misis kung bakit siya tinatawag ni mister. Gusto muna niyang mag-relax bago matulog. Pero ang totoo po sa katulad kong dalawang beses magpalit ng damit sa isang araw, lalo na kung mainit ay hindi makatagal sa nanlalagkit niyang katawan at body odor.
Hindi naman siya dating tamad sa kalinisan ng katawan. Ang sinasabi niya baka siya mapasma. Paano ko po sasabihin sa kanya ang tungkol sa bagay na ito na hindi siya mao-offend? Baka rin kasi maghanap siya ng pagre-relax sa ibang kandungan kapalit ng pera.
Gumagalang,
Elvira
Dear Elvira,
Mahalaga ang katapatan sa pagitan ng mag-asawa. Walang ibang makakapagsabi ng personal na bagay sa mag-asawa kundi ang bawat isa. Maaari mo naman na daanin sa lambing, timing lang ang mahalaga.
Subukan mo rin na yayain siyang sabay kayong maligo ng maligamgam na tubig para naman hindi niya alalahanin ang pagkapasma. Sakaling wala siyang pasok, ngayong noche buena, i-set up mo na ang lahat ng maaga para habang wala pang bisita ay makapag-bonding na kayong mag-asawa.
DR. LOVE