Dear Dr. Love,
Sa maraming pagkakataon ay kinaiinipan ko ang pananatili sa aming bahay, kaya nagpasya akong mag-apply bilang writer sa media relations office ng isang pulitiko. Kilala ko kasi ang head doon maging ang ilang empleyado, kabilang na si Mercy na dati kong kasamahan.
Minsan kaming nagkakawentuhan at nalaman ko ang bigat ng kanyang pasanin sa araw-araw. Bagaman nagpapahinga na lamang sana siya at tumatanggap ng pensiyon ay pinili niyang mamasukan pa rin para matugunan ang pangangailangan ng mga anak na babae na parehong may anak na.
Nitong nakaraan ko lang nakausap ang pinuno ng tanggapan, na si Melo at sinabi niya na tanggap naman na ako kaya lang ay wala pang pondo para sa aking pwesto. Maliban na lang kapag tinanggal na nila ang isang empleyado na laging masungit.
Ikinabigla ko nang malaman na si Mercy ang tinutukoy niya. Hindi ko po maatim na mang-agaw ng kabuhayan, lalo pa kay Mercy na lubhang nangangailangan. Samantalang gusto ko lamang na magkaroon ng mapaglilibangan.
Ipinakiusap ko kay Melo na huwag nang ituloy ang balak niyang pagtanggal kay Mercy. At ang sinabihan niya akong tumatanggi sa oportunidad para sa kapakanan ng isang kaibigan?
May mali po ba sa ginawa ko, Dr. Love. Pagpayuhan po ninyo ako. Merry Christmas po sa inyo.
Gumagalang,
Prescilla
Dear Prescilla,
Bihira na lang ang taong nakahandang talikuran ang oportunidad para sa kapakanan ng higit na ngangailangan. Walang mali sa ginawa mo, sa halip ito ay kahanga-hangang gawi. Sigurado ako na darating ang takdang pagkakataon para sa katulad mo na may maawaing puso. Humahanga ako sa iyong kabutihan.
DR. LOVE