Dear Dr. Love,
Maganda at mainit na pagbati sa iyo. Ako si Roman, 23-anyos, binata at isang houseboy.
Kahit katulong lang ako ay guwapo naman. ‘Yun nga lang, mababa ang pinag-aralan ko kaya ito lang ang alam kong trabaho.
Naglilingkod ako sa tahanan ng isang mayamang pamilya. Mayroon silang anak na kolehiyala na napakabait at maganda.
Kahit sa akin ay mabait siya at parang hindi ako boy kung itrato.
Tawagin na lang natin siyang Marice. Tumibok-tibok ang puso ko para sa kanya. Dr. Love, mahal ko na siya dahil bukod sa maganda ay mabait pa.
Dr. Love, lihim lang ang nadarama kong pag-ibig sa kanya dahil batid ko na alangan ako sa kanya. Langit at lupa ang agwat namin.
Naguguluhan ako. Tuwing ngingiti siya sa akin ay para akong natutunaw. Mahirap ang ganitong kalagayan. Ano ang dapat kong gawin?
Roman
Dear Roman,
Sa mga teleserye at komiks, may mga pangyayaring nagkakatuluyan ang isang mahirap at mayaman. Pero hindi ko tiyak kung nangyayari iyan sa totoong buhay.
Kung maglalakas ka ng loob at magtatapat sa kanya, dalawang bagay ang puwedeng mangyari: mamahalin ka rin niya o maba-basted ka.
Pero hindi ka naman puwedeng ipakulong dahil hindi naman krimen ang magtapat ng pag-ibig lalo pa’t pareho kayong single. Sabi nga, all is fair in love.
Kaya lang, kung may pagka-matapobre ang pamilya niya, puwede kang makaranas ng pang-iinsulto kung hindi man mapapaalis ka sa trabaho.
Ibig kong sabihin, may mga posibilidad na dapat mong isaalang-alang.
Dr. Love