Ang tanging pangarap
Dear Dr. Love,
Higit sa mapagtagumpayan ang aking pangarap sa buhay, mula nang mga bata pa kami ay pinagsisikapan ko pa rin na mapalapit sa aking tatay. Gusto ko rin po kasi maranasan ang encouragement na ginagawa niya sa iba ko pang mga kapatid.
Hindi po ako gaya ng mga kapatid ko na matatalino at may magandang itsura. Dahil pangkaraniwan lang po ako pagdating sa academics. Kaya naman hindi ko masisisi si tatay na ako ang pahintuin sa pag-aaral hanggang makatapos at magkaroon ng trabaho ang kuya ko.
Pero determinado po ako na hindi matengga, kaya nang makakita ako sa dyaryo ng libreng short course ay agad kong sinunggaban sa tulong ng dati kong teacher sa high school. Natanggap ako at pamasahe na lang ang kailangan, bagay na mapupunan ng pag-aalaga ko sa baby ng mayaman naming kapitbahay.
Natapos ko po ang short course at natanggap na assistant cook sa isang sikat na hotel. Nagpasya akong ituloy ang pag-aaral at ngayon ay isa na po akong chef sa luxury liner na bumabyahe sa iba’t ibang dako ng mundo. Ito po ang pinakamagandang bahagi, dahil sa wakas ay napangiti ko na si tatay dahil ganap nang nagbunga ang pagsisikap ko.
Gusto ko po hingin ang payo ninyo, kung paano ko pa mas mapapangiti ang tatay ko. Maraming salamat po at mabuhay kayo sa ginagawa ninyong pagtulong sa mga may problema sa buhay.
Gumagalang,
Marichu
Dear Marichu,
Maaaring hindi ang inaasahan mo ang naoobserbahan mo sa pakikitungo ng iyong tatay sa iyo. Pero bagaman maaaring naiiba ito kaysa sa mga kapatid mo, naging napakamabunga nito dahil hawak mo na ngayon ang pangarap mo.
Naging matagumpay ka sa buhay, pero alam mo bang mas tagumpay na maituturin ito para sa isang magulang? Ngayon ay nasa iyo ang kapasidad para makatulong, kaya ito ang pagtuunan mo at natitiyak ko, hindi man biglaan ay unti-unting lalabas ang maaaring matagal nang pinipigilan na pagka-proud sa iyo ng iyong tatay.
DR. LOVE
- Latest