Dear Dr. Love,
Isang pinagpala at mabiyayang araw sa iyo, Dr. Love. Kabilang ako sa maraming sumusubaybay sa iyong column at tulad nila, hanap ko rin ang maganda mong payo sa aking problema.
Nawa ay mapaunlakan mong itampok ang aking sulat sa malaganap mong column.
Tawagin mo na lang ako Rose, 39-anyos at dalawang taon nang biyuda. Teenager na ang kaisa-isa kong anak na babae at third year high school na. Mag-isa ko siyang itinaguyod sa pamamagitan ng pagtitinda ng almusal sa umaga at kakanin sa hapon. Sa totoo lang, hirap na hirap ako dahil maliit lang ang kinikita ko.
May boyfriend ako ngayon na gaya ko rin na balo. Stable ang buhay niya dahil may magandang posisyon sa isang kompanya. Dr. Love, inaaya na niya akong magpakasal.
Malalim na rin po ang nararamdaman ko para kay Julius at sa totoo lang din po ay nakikita kong matutulungan niya ako sa pagtataguyod sa aking anak, na siyang ipinangako niya. Dahil may magandang posisyon siya sa isang matatag na kompanya. Pero ayaw ng anak ko na mag-asawa akong muli.
Ano po ang mabuti kong gawin para maunawaan niya ako? Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat at dalangin ko rin na maging mabuti ang kalagayan ng maraming kababayan natin kaugnay sa bagyong Ruby.
Rose
Dear Rose,
Walang hindi nadadala sa mabuting usapan, Rose. Sa edad ng anak mo at sa level na maiintindihan niya ay ipaliwanag mo ang kalungkutan mo habang solong binabalikat ang buhay ninyong mag-ina. At ipaliwanag mo sa kanya kung paano unti-unti ay nanunumbalik ang sigla mo dahil kay Julius. Sikapin mo rin na maunawaan niya ang hangad mo na lumaki siya nang may kinikilalang ama. Pag-usapan din ninyong mag-boyfriend kung paano ang magandang gawin para unti-unti ay mailapit ang kalooban ni Julius sa iyong anak.
Dr. Love