Dear Dr. Love,
Thanks sa pagpapaunlak mong maitampok sa iyong column ang aking sulat. Sana’y datnan ka ng sulat ko na nasa mabuting kalagayan, Dr. Love.
Please call me Jonalyn Mae, 23-anyos at isang teller sa bangko.
Mayroon akong boyfriend. Nagtagal ang relasyon namin ng anim na buwan na ngayon. Pero may natuklasan ako sa kanya. Isa siyang shabu user.
Nang bulatlatin ko ang kanyang clutch bag ay nakakita ako ng sachet na parang tawas at nalaman kong ito ay shabu.
Pinag-awayan namin ito at nakipag-break ako sa kanya nang oras din na ‘yon. Nagmamakaawa siya pero hindi ko siya pinansin.
Nagpunta siya sa bahay namin at sinabing bigyan ko pa siya ng isang chance. Nangako siyang magbabago na. Hindi naman daw siya talagang sugapa at ngayon lang siya sumubok.
Dr. Love, dapat ko ba siyang bigyan ng chance?
Jonalyn Mae
Dear Jonalyn Mae,
Bakit hindi? Malay mo, baka ikaw ang maging susi para mahango siya sa masamang bisyo.
Subalit bigyan mo siya ng warning na kapag umulit ay talagang kalilimutan mo na siya. Kung minsan, ang tao ay ginagamit ng Diyos para maituwid ang landas ng isa pang tao.
Kung sadyang mahal ka ng boyfriend mo, papahalagahan niya ang inyong relasyon at tototohanin ang pangako na hindi na siya babalik sa masamang bisyo.
Dr. Love