Dear Dr. Love,
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang takot ng isang ina sa kanyang mga anak, gayong siya naman ang solong bumalikat ng lahat ng mga pangangailangan nila mula nang sumakabilang buhay ang kanyang mister.
Ang tinutukoy ko po ay ang pinsan buo ng aking asawa na si Manang Loleng. Dating masagana ang buhay nila dahil maganda ang takbo ng kanilang negosyo. Lumaki na sa pribadong paaralan ang tatlo niyang anak na lalaki at marami silang ari-arian. Dati rin mababait ang kanilang mga anak pero nang mabarkada ay nalulon sa droga at sugal.
Unti-unting nawala ang kanilang kabuhayan, maging mga ari-arian hanggang sa nairaraos na lang ang pagkain sa pangungutang. Ito po ang problema ko dahil madalas ang pamilya namin ang tinatakbuhan ni Manang Loleng. Naapektuhan na po ang sariling budget namin.
Minsan lang ako naningil sa pangako niyang araw na magbabayad ay bulyaw pa ng anak niya ang napala ko. Kaya mula noon ay tabla na sila sa akin.
Pero nang magkasakit si Manang Loleng at kailangang magpa-opera ay nilapitan niya uli ako at isinasanla ang kanilang bahay at lote. Gusto ko po siya tulungan pero wala ako ng halagang kailangan niya. Kaya ang asawa ko ang humarap sa kanya at tumanggi. Namatay po si Manang Loleng.
Aminado ako nakakaramdam ako ng pagka-guilty. Pero ang sabi ng aking asawa, wala naman kaming pananagutan dahil ang bangko ay nakapagbigay ng pera sa kanyang pinsan pero talagang hindi na siya nakaligtas sa sakit. Ngayon po ay malapit nang maremata ang kanilang family house.
May sagutin po ba ang aking budhi sa mga nangyari, Dr. Love? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Nerissa
Dear Nerissa,
Wala sa kamay mo ang pagdurugtong ng buhay, kundi nasa Dios. Hindi naman din masamang tumanggi sa humihingi ng tulong kung wala kang kapasidad magbigay nito. Sa totoo lang, nailihis ka ng kawalan ninyo ng kakayahang magpautang sa tiyak na kapahamakan. Paano kung perwisyuhin kayo ng mga anak na wala nang bait dahil sa droga? Ang naging problema ay ang hindi wastong pagpapalaki sa anak. Wala kayong kinalaman doon dahil hindi naman kayo ang magulang. Kaya payapain mo ang kalooban mo.
DR. LOVE