Dear Dr. Love,
Hindi ko po maubos maisip kung bakit ang nakatatanda kong kapatid na si Ate Flora ay nahumaling sa isang tibo at nagsasama na sila na parang mag-asawa.
Tunay na lalaki po ang asawa ng ate ko, pero dahil ginagawa siyang punching bag kapag nalalasing at dahil sa kakaselos ay nagkahiwalay sila. Naiwan sa kapatid ko ang dalawa nilang anak.
Maganda po ang ate ko, Dr. Love kaya naniniwala ako na makakatagpo pa siya ng tunay na lalaki na makapagpapaligaya sa kanya. Gusto ko po sanang sabihin ito sa kanya. Pero nag-aalangan ako dahil mas matanda siya sa akin at nasa husto gulang naman na siya para magdesisyon para sa sarili niyang buhay.
Isa pa kahit hindi ako boto kay Dom ay nakikita ko na magkasundo sila ng aking kapatid. Hindi rin namomroblema sa panggastos ang kapatid ko para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, maging sa pampaaral sa kanyang mga anak dahil sagot lahat ng kanyang ka-live in.
Nakikita rin namin na mahal na mahal ni Dom ang mga bata na para bang tunay niyang mga anak. Suko na rin po ang mga magulang ko na paliwanagan si ate tungkol sa sitwasyong kinasadlakan niya.
Ano po ba ang mabuti kong gawin para mapagbago ang isip ng kapatid ko, Dr. Love?
Gumagalang,
Florante
Dear Florante,
Maaaring ang kasaklapang naranasan ng iyong kapatid sa buhay may asawa ang nag-udyok sa kanya para mapalapit nang husto sa kapwa babae. Sa panahon ngayon, marami na ang tumatanggap sa same sex relationship o kahit pa same sex marriage. Pero hindi lahat ng uso ay tama.
Limitado ang magagawa ng tao sa ganitong sitwasyon. Dahil wala naman talagang kakayahan ang bawat isa sa atin na mapagbago ang kalooban ng kapwa natin. Isama mo lagi sa panalangin mo ang ate mo. Dahil sa Dios, walang imposible.
DR. LOVE