Nagrebelde kaya nagpakasal sa iba

Dear Dr. Love,

Mabiyayang pagbati sa iyo at sa lahat ng mga tagasubaybay ng malaganap mong column na Dr. Love.

Isa ako sa mga masugid mong tagasubaybay at minsan na akong sumulat sa iyo pero hindi pinalad na malathala noon pang isang taon. Sana ay mapagbigyan mo na ako ngayon.

Tawagin mo na lang akong Cynthia, 24-anyos at isang registered nurse na nagtatrabaho sa isang government hospital. May asawa na ako pero wala pang anak.

Noon lamang Mayo ng taong ito ako nagpakasal sa lalaking hindi ko masyadong mahal.

Mayroon kasi akong boyfriend noon na talagang mahal ko. Pero nabalitaan kong may iba siyang girlfriend kaya nagrebelde ako para pasakitan ko siya.

Pinagsisisihan ko tuloy ang ginawa ko nga­yong pilit niya akong binabalikan. Minsa’y nagkita kami sa isang fastfood at sinabi niyang iwanan ko ang aking asawa at kami ang magsama.

Sabi ko, hindi madali ang hinihingi niya dahil kasal na ako. Ano ang gagawin ko Dr. Love?

Gumagalang,

Cynthia

Dear Cynthia,

Wika nga, nasa huli ang pagsisisi. Kasal ka na at paano ka pa makakawala diyan maliban na lamang kung magpapa-annul ka.

Charge it to experience. Nangyari na iyan dahil sa sarili mong pagkakamali. Hindi ka muna nag-isip ng mabuti bago ka umaksyon.

Sabi nga ng mga matatanda, ang kasal ay hindi kanin na isusubo na iluluwa kapag napaso.

Kasalanan mo iyan kaya pagtiisan mo.

Dr. Love

Show comments