Dear Dr. Love,
Ako po ay isang babaeng may asawa pero wala pa kaming anak sa kabila ng limang taon nang pagsasama.
Sa mga taong lumipas, ngayon ko nakumpirma sa aking sarili na hindi pala talaga pwedeng turuan ang puso. Nagsipag-asawa na ang mga ka-batch ko noon at sa takot na mapag-iwanan ako, sinagot ko ang kaisa-isang manliligaw ko na naghihintay sa akin ng “oo.”
Pero pinagsisisihan ko po ang pagpapakasal kay Max dahil sa kanyang pagiging alcoholic. Minsan ko na siyang kinausap tungkol sa kanyang bisyo pero nauwi ito sa pananakit niya sa akin, na nag-iwan ng blackeye sa aking mukha.
Ang ganitong sitwasyon ay mahirap dalhin mag-isa, isang kasamahan ko sa trabaho ang madalas kong mapaghingahan ng lahat ng sama ng loob. Pero namalayan ko na lang po na nahuhulog na ang loob ko kay Edwin.
Lumalim po ang relasyon namin at ngayon ay gusto na niyang magsama kami. Natitiyak ko po sa aking sarili na wala na akong amor sa aking asawang si Max, pero ang kabutihan ng kanyang inang may karamdaman ay hindi ko basta matatalikuran.
Ayaw ko po na madali ang buhay ng aking biyanan sakaling sumama na ako kay Edwin. Ano po ang gagawin ko? Mahal ko si Edwin at inaapura na niya akong hiwalayan ko na si Max.
Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love. Maraming salamat.
Gumagalang,
Diosa
Dear Diosa,
Ang madaliang pagpapasiya ay karaniwang nauuwi rin sa malaking pagsisisi. Kung talagang wala ka nang natitirang pagmamahal sa iyong asawa, gawin mong legal na mapawalang bisa ang inyong kasal.
Kung sa paanong paraan na hindi maaapektuhan ang iyong biyanan, hindi ko na iyan masasagot. Dahil malalaman at malalaman din ng lahat ang tungkol sa tuluyang pagkawasak ng inyong pagsasama.
Hanggang payo lang naman ako, ikaw pa rin ang magpapasya para sa iyong sarili.
DR. LOVE