Dear Dr. Love,
May isang taon ko nang kapalitan ng mensahe sa e-mail, facebook at text messages si Greg at sa aking sarili, nabuo ang kaisipan na siya na ang matagal ko nang pinakahihintay na Romeo sa aking buhay.
Pareho na kaming nasa edad, matured, may hangaring makapag-asawa at magkaroon ng matatag na pamilya. Nagkakilala kami sa facebook sa pamamagitan ng common friend. Inimbitahan ako ni Greg na maging kaibigan na tinanggap ko naman.
Doon na nagsimula ang maganda naming pagkakaibigan. Masaya siyang kapalitan ng kuru-kuro. Hindi masyadong magkalayo ang agwat ng aming edad kaya nagkakasundo kami sa halos lahat ng bagay.
Minsan niya akong niyaya sa isang group tour sa El Nido, Palawan para magkakilala pa kami ng lubos at ng personal. Nito namang huli ay iniimbitahan niya ako sa kanila sa Davao para raw makilala ko ang kanyang pamilya.
Hindi pa po ako makasagot, dahil pinayuhan ako ng aking kapatid na si Greg muna ang imbitahan ko sa aming lugar sa Batangas para makilatis ng aming pamilya. Tama po ba ang kapatid ko?
Ang pag-aaya kaya sa akin ni Greg sa lugar ng kanyang pamilya ay senyales na hindi mapapako sa panaginip ang pagiging mag-boyfriend namin? Pagpayuhan po ninyo ako Dr. Love.
Maraming salamat po at hihintayin ko ang payo ninyo.
Gumagalang,
Margie
Dear Margie,
Sang-ayon ako sa kapatid mo. Dapat ikaw ang unang makasiguro na ang sasamahan mong lalaki ay tunay na mapagkakatiwalaan. Kaya huwag ka nang magdalawang-isip, imbitahin mo si Greg sa inyong lugar sa Batangas at hayaan mong makilala rin siya ng iyong pamilya.
Ang puso mo lamang ang makakakumpirma kung ang gaya ba ni Greg ang gusto mong makasama habang buhay. Kaya kilalanin mo siyang mabuti para wala kang pagsisihan sa huli.
DR. LOVE