Tulong kapalit ng sarili
Dear Dr. Love,
Nagpupugay ako sa iyo at sa milyon mong mga mambabasa. Tawagin mo na lang akong Cely, isang biyuda na may 4 na anak. Noong isang taon lang namatay ang asawa ko.
Tindera lang ako ng isda sa palengke pero sa kabila nito ay may itsura ako at marami ang pumoporma sa akin. Hindi ko sila pinagkakatiwalaan dahil alam kong isang bagay lang ang gusto nilang maangkin sa akin.
Nagkaroon ng malubhang karamdaman ang aking panganay. Leukemia ito at kung hindi siya maaagapan ng bone transplant ay pihong mamamatay siya sabi ng doktor.
Hindi ko kaya ang halagang magagastos kaya ako’y naaaburido. Nalaman ito ng isa kong masugid na manliligaw. Isa siyang may asawang mayaman.
Nag-alok siya ng tulong sa akin pero may kapalit ito: ang aking katawan. Siya raw ang bahalang gumastos sa lahat ng kakailanganin sa pagpapagamot ng aking anak.
Hindi ako ganoong uri ng babae na ibebenta ang sarili pero ano ang gagawin ko?
Tulungan mo po ako.
Gumagalang,
Cely
Dear Cely,
Maraming institusyon kang malalapitan na makatutulong sa iyo. Hindi mo kailangang ipagbili ang iyong katawan.
Naririyan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) o kaya Philippine Gaming Corporation na puwede mong lapitan.
Tama ka. Hindi ka mumurahing babae na agad bibigay at ibebenta ang katawan kahit pa sa pinakagipit mong pangangailangan.
Dr. Love
- Latest