Dear Dr. Love,
Mahigit isang taon na akong masugid na sumusubaybay ng column mo at maraming salamat sa mga payo mong kinapupulutan ng gintong aral.
Tawagin mo na lang akong Mauro, 60-anyos at ang misis ko na 57-anyos ay may malubhang karamdaman.
Mahina na siya at dina-dialysis tatlong beses isang linggo. Dalawang buwan nang ganyan ang katayuan niya at mabuti na lang at tumutulong pa rin sa amin ang PCSO sa napakalaking guguguling halaga.
Noong una’y buo ang aking pananampalataya na gagaling pa siya. Lagi akong dumadalangin sa Diyos na siya ay pagalingin. Pero sa halip na bumuti ay lalo pang bumabagsak ang kanyang kalusugan.
Kung nahihirapan siya, higit ang paghihirap ko at ng aming mga anak. Wala namang problema sa gastos dahil tumutulong din ang dalawa naming anak sa Amerika pero talagang mabigat sa aming damdamin na nakikita ang kanyang paghihirap.
Kung minsan, ako na mismo ang humihiling sa Diyos na bawiin na siya para matapos na ang kanyang pagdurusa. Tama ba ito?
Mauro
Dear Mauro,
Sinasabi sa Salita ng Diyos na ang lahat ng bagay na nangyayari ay laging may mabuting layunin. Hindi natin talos ang kalooban ng Diyos kaya hindi natin siya dapat pangunahan.
God’s will is always above our will. Patuloy kang manalangin para sa kanyang paggaling at kung hindi man ito paunlakan ng Diyos, ang ibig sabihin ay may mas maganda siyang plano na hindi maarok ng ating limitadong kaisipan.
Pagsubok lang iyan kung gaano katatag ang inyong pananampalataya.
Dr. Love