Dear Dr. Love,
Magandang araw sa’yo at sa lahat ng bumubuo ng Dr. Love. Tawagin mo na lang po akong Shine. Ang problema ko ay tungkol sa dalawa naming anak ng aking mister.
Pareho ang bansang pinagtatrabahuhan naming mag-asawa. Noong una ay ayaw ko dahil walang maiiwan sa aking mga anak. Nagkataon po na nawalan ng trabaho ang kapatid ko at pansamantalang nakitira sa aming inuupahang bahay sa Makati. Dahil dito, nagkasundo kami na iiwanan sa kanila ang aming mga anak.
Sagot ng kapatid ko at ng kanyang asawa ang gastos sa upa ng bahay pati tubig at kuryente. Binabayaran ko rin ang hipag ko ng 20K sa pag-aasikaso sa mga anak ko.
Ang problema po naming mag-asawa ay hindi makasundo ng bunso namin ang aking hipag dahil may kasungitan po ito at inaamin ko rin po na may kamalditahan din po ang anak kung babae. Nanghihinayang naman ako kung uuwi ang isa sa amin dahil napakasuwerte naming mag-asawa na iisang bansa at kompanya ang pinaglilingkuran namin. Ano ang dapat naming gawin?
Gumagalang,
Shine
Dear Shine,
Hangga’t maaari’y mas maganda kung hindi magkakahiwalay ang pamilya. Kaso mahirap ang buhay sa Pilipinas at kung ang hangad ng magulang ay magandang future sa pamilya, ang ginagawa ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Okay sana iyan kaso may mga kaakibat na problema gaya nang dinaranas ninyong mag-asawa na parehong nasa abroad.
Iba ang personal loving care ng tunay na magulang. Kung puwedeng umuwi na lang ang isa sa inyo para may personal na mangalaga sa mga anak mo ay pinakamabuti iyan. Aanhin mo ang napakalaking income kung mapapariwara naman ang inyong mga anak?
Dr. LOVE