‘Di tanggap ang madrasta
Dear Dr. Love,
Limang taon na pong patay ang aking ina nang magpakasal muli ang daddy namin. Ang problema ay hindi matanggap ng mga nakababata kong kapatid ang aming madrasta.
Magaspang ang pakikitungo nila kay Mely lalo na kapag hindi nakatingin si daddy. Pero para sa akin na pamilyado na rin, nasisiyahan akong makita na masaya ang daddy ko at sa naoobserbahan ko ay hindi pera niya ang habol ng aming madrasta.
May sariling bahay si Mely na iniwan niya para makasama ang aming daddy sa bahay ng aming mommy.
Nag-aalala lang po ako na kung hindi mababago ang pakikitungo ng mga kapatid ko kay Mely ay mabibigo ang daddy ko sa binubuo niyang pamilya namin, na gumuho nang mawalay sa piling ng aming pamilya si mommy.
Binabalak ko po na kunin na lang ang mga kapatid ko at sa amin tumira, pero tutol dito ang asawa ko dahil baka raw magdamdam ang daddy ko. Ano po ang gagawin ko para makumbinsi ang mga kapatid ko na baguhin ang pakikitungo nila sa bagong asawa ng daddy ko?
Salamat po at hihintayin ko po ang payo ninyo.
Gumagalang,
Imelda
Dear Imelda,
Bilang nakakatandang kapatid, tulungan mo silang makita ang mga bagay na nakakumbinsi sa iyo na hindi nagkamali ang daddy mo sa napiling pakasalan muli. Magagawa mo ito kung madalas mo silang bibisitahin at sisikapin na maipaliwanag nang may buong pagmamahal ang dahilan sa pagdating ni Mely sa buhay ng inyong daddy at sa pamilya na sinisikap niyang makumpleto para sa inyong mga anak niya.
Lagi mo rin ipagdasal ang mga kapatid mo na makakawala na sila sa pagpanaw ng inyong ina para mabuksan ang puso nila para sa inyong pangalawang ina. Pangalawa dahil kahit kailan, hindi mapapalitan ang inyong ina sa puso ninyong lahat.
DR. LOVE
- Latest