Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa iyo Dr. Love pati na sa mga sumusubaybay sa iyong column. Umaasa ako na nasa mabuti kang kalagayan, hindi katulad kong nahaharap sa pinakamalaking krisis ng buhay ko.
Tawagin mo na lang akong Cerfy at ito ang krisis sa aking buhay. Dalawang taon na akong kasal sa asawa kong si Mandy at hindi ko siya mabigyan ng anak. Nang magpatingin kami sa doktor, ako ang may kapansanan. Isang baog.
Sa pagkakaalam ko ay mahal na mahal ako ng aking asawa. Pero nabigla ako nang mag-file siya ng annulment dahil daw isang ground ang pagiging baog ng sino man sa mag-asawa para mapawalang saysay ang kasal.
Umiyak na ako sa harap niya. Pati magulang niya ay tutol sa ginawa niyang pagpa-file ng annulment.
Gulung-gulo na ang isipan ko, Dr. Love at hindi ko alam ang aking gagawin. Pagpayuhan mo ako.
Cerfy
Dear Cerfy,
Ang problema mo ay isang isyung legal at dapat kumunsulta ka sa abogado. Masakit nga para sa katulad mong naging tapat sa iyong mister pero ngayo’y ibig kang hiwalayan dahil hindi mo mabigyan ng anak.
Sa tingin ko ay ginagawa na lang niyang dahilan ang pagiging baog mo para mahiwalayan ka niya.
Subukan mo na lang na kausapin pa siya at himuking manatili kayong nagsasama. Kung itutuloy ang kaso, kumuha ka na lang ng legal counsel na magaling.
Dr. Love