Binugbog ng lasenggong mister

Dear Dr. Love,


Tatlong taon na ang nakalilipas nang gul­pihin ako ng aking asawa dahil sa ayaw na ayaw nitong mapagsabihan na tigilan na niya ang kaiinom ng alak.

Langung-lango siya noon at marahil umakyat na sa ulo ang ispiritu ng alak kung kaya’t hindi napigil ang galit. Nataon pa naman na pumasyal sa bahay ang mga magulang ko para dalawin ang dalawa nilang apo.

Mahirap pong sawatahin sa pag-inom ang aking asawa dahil isa na siyang alcoholic. Malimit na napapalo niya ang dalawa naming anak nang walang dahilan kapag siya ay uuwing lasing.

Kahit mga bata ay sensitibo na sila sa pagmamalupit ng ama kaya tuloy lumayo ang loob nila sa asawa ko.

Nang ako na ang magkaroon ng black eye at mga pasa sa katawan, ang mga anak ko na mismo ang nagtulong na umawat sa ama at hinila akong palabas kasama sa pag-alis ng aking­ mga magulang.

Mula noon ay hindi na kami nagbati lalo na nang magsampa ako ng demanda para maki­paghiwalay sa kanya. Pero pagkaraan ng tatlong taon ay pinuntahan niya ako sa bahay ng mga magulang ko at nakiusap na makita ang aming mga anak.

‘Yun na ang simula ng aming pagkakabati. Humingi siya ng tawad sa akin. Ang mga magulang niya raw ang tumulong sa kanya para magbago. Pero may takot pa rin ako sa kanya, Dr. Love dahil sa pananakit niya sa akin.

Kung makiusap po kaya siya na magkabalikan uli kami, sa tingin ninyo may tsansa pang mabuo ang aming pamilya? Hihintayin ko po ang inyong payo.

Gumagalang,

Sonia

Dear Sonia,

Kung minsan mas mabuti pang manatili muna kayong maging magkaibigan kaysa mu­ling magsama kung mauulit lang ang pananakit sa iyo at sa mga bata. Mayroong challenge sa kanya na tuluy-tuloy na magpakabuti kung alam niyang hindi pa nanunumbalik ang tiwala mo sa kanya. Hintayin mo pang magpakita siya ng ganap na pagbabago, magkaroon ng trabaho at muling manligaw sa iyo at sa mga anak mo bago ka magpasya kung tunay ngang karapat-dapat na siyang tawaging asawa at ama.

DR. LOVE

Show comments