Dear Dr, Love.
Kumusta, Dr. Love? Kung puwede ay itago mo na lang ako sa pangalang White Lily. Ako po ay may asawa ngunit kami ay nagkahiwalay. ‘Di ko alam kung bakit laging mainit ang ulo ko sa kanya.
Dati siyang may ka-live-in at mayroon siyang isang anak. Ako naman ay dating may boyfriend at siya po ay mahal ko, hindi ko rin po alam kung bakit ako nagpakasal sa asawa ko pero hindi naman po ako nagsisisi na nagpakasal.
Marami rin kaming pinagdaanang pagsubok ng mister ko bago kami nagkahiwalay.
Binabalikan ako ngayon ng dati kong boyfriend at alam niya ang lahat ng tungkol sa akin, lalo na nang mag-asawa ako at tanggap naman po niya ‘yun.
May balak din po siyang pakasalan ako sa kabila ng nagawa ko sa kanya. Pinagtatanggol niya po ako sa mga kamag-anak niya.
Sa ngayon po, Dr. Love ay may kontak pa kami ng asawa ko. Pero ang sabi ng family ko kapag bumalik pa raw po ako sa kanya, itatakwil na raw po nila ako.
Nalilito na po ako sa nararamdaman ko, Dr. Love. Mahal ko ang boyfriend ko pero may pagmamahal pa ako sa asawa ko.
Ewan ko, Dr. Love naguguluhan po talaga ako at natatakot sa pwedeng mangyari. Sana po ay mapagpayuhan ninyo ako sa dapat kong gawin.
More power.
White Lily
Dear White Lily,
Hindi kita maintindihan. Kung ang sarili mo ay hindi mo maunawaan, paano ka mauunawaan ng iba? May boyfriend ka dati na mahal na mahal mo pero nagpakasal ka sa lalaking pinagsusungitan mo dahil may anak sa ibang babae?
Kung magkagayon, ikaw pala ang problema at hindi ang asawa mo.
Nagkahiwalay kayo ng asawa mo at ngayo’y bumabalik ang boyfriend mo. Kung magpapakasal kayo, paano ‘yon gayung kasal ka sa ibang lalaki?
Hindi ako makakagawa ng desisyon para sa iyo. Ikaw lang ang makakapag-pasya niyan although para sa akin, makabubuting makipagbalikan ka sa asawa mo at tingnan mo ang pagkakamali mo sa iyong sarili at isaayos mo nang magkaroon ka ng maayos na pamilya.
Dr. Love