Bad Influence ang Boyfriend

Dear Dr. Love,

Ako po ay isa nang senior citizen na ang malaking problema ay kung paano maawat ang aking apong si Brenda sa sobrang bad influence ng kanyang boyfriend.

Mula nang mabalo ang aking anak na si Chona, pinatira na niya ako sa kanilang bahay para mayroong maiiwan sa bahay bukod sa kasambahay at sumusubaybay sa dalawang anak na kapwa teenager.

Sa aking dalawang apo, mas nahihirapan ako kay Brenda, ang panganay na nasa second year college sa edad na 18. Mula nang mamatay ang kanyang ama, nagmistulang rebelde ang apo ko at tumigas ang ulo.

Mayroon na siyang nobyo na bad in­fluence. Bukod sa bumaba ang grades niya ay naging magastos pa siya dahil kasama sa budget ang kanyang boyfriend.

Binawasan ni Chona ang allowance ng mga anak, nagtitipid para mabayaran ang malaking pagkakautang sa pagpapa-ospital ng yumao kong manugang. Pero hindi ito naiintindihan ni Brenda.

Naging remedyo niya ang pagsasanla ng kanyang personal na gamit. Ang iba pa niyang ginagawa gaya ng pang-uumit sa aking pamalengke ay hindi ko na gustong ipaalam sa aking anak dahil sa dami ng kanyang alalahanin.

Gusto ko pong kausapin ang aking apo. Gusto namin subukan, mailayo siya sa kanyang boyfriend. Tama po ba ito? Paano po kaya ang mabuting paraan? Hindi po kaya mas magrebelde ang aking apo?

Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito sa inyong pitak.

Gumagalang,

Lola Beatriz

Dear Lola Beatriz,

Posible ngang dahilan ang biglang pagkawala ng kanilang ama sa nagiging pagrerebelde ni Brenda. Maaaring hindi pa niya matanggap ang lahat, kasama ng pagtitipid at iba pang pagbabago sa kanyang pamilya.

Kung may anak kayong lalaki, pakiusapan ninyo siyang bisitahin nang madalas ang pamangkin at magsilbing father figure ng inyong apo. Sikapin n’yo rin na kilalanin ng mabuti ang kanyang boyfriend. At kung kumpirmado ang tungkol sa bawal na gamot, pinakamabuti na ilayo n’yo na si Brenda bago pa lumala ang sitwasyon.

DR. LOVE

Show comments