Susuway ba kay Mister?

Dear Dr. Love,

Mayroon po akong malaking problemang kinakaharap sa ngayon at ito ay kung paano ako makakahingi ng tulong sa mga magulang ng aking asawa para masabi sa kanila ang problemang pinansiyal na aming hinaharap sa kasalukuyan.

Nangangailangan kami ng malaking halaga para sa operasyon ni Fred sa kidney. Wala na po akong ibang malalapitan dahil kahit na sa­riling magulang ko, sagad na sila sa tulong na hinihingi ko para sa dialysis ni Fred.

Ang laging bilin ng aking asawa, huwag kong abalahin at bigyan ng dagdag na problema ang kanyang magulang na kapwa mayroon ding karamdamang alta presyon at bawal na magkaroon ng mga alalahanin sa buhay.

Alam kong matutulungan nila kami dahil sa mayroon naman silang kabuhayan bukod pa sa tumatanggap ang mga in-laws ko ng sustento mula sa isang anak na nasa abroad.

Alam kong ako pa ang masisisi nito sa bandang huli kung hindi ako lalapit sa kanila at ipagtapat ang sitwasyon. Hindi ko po yata makaka­yanang mag-isa ang problemang ito nang walang tulong na nagmumula sa kanyang magulang.

Tulungan mo po ako kung paano masasabi sa mga in-laws ko ang karamdaman ng aking asawa nang hindi siya magagalit sa akin sa pagsuway ko sa kanyang kahilingan. Hindi ko po gustong lumala pa ang sakit ni Fred. Hintay ko po ang mahalaga ninyong payo.

Maraming salamat po at more power to you.

Gumagalang,

 Marietta

Dear Marietta,

Sang-ayon ako na dapat malaman ng partido ng iyong mister ang kanyang kalagayan, karapatan nila ‘yun. Pero hindi mo naman kailangan dumirekta sa mga magulang niya. Kausapin mo ang iyong bayaw o hipag. Mas kilala nila ang kanilang magulang at siguradong mas makakaisip sila ng paraan nang maiingatan ang kondisyon ng kanilang mga magulang.

Tama ka rin sa sinabi mong masisisi ka sa huli kung hindi mo ipapaalam ang sitwasyon ng iyong mister sa kanyang pamilya. At mahirap din dalhin ang magkaroon ng pagsisisi sa sarili dahil alam mong may magagawa ka pa sana, pero hindi mo ginawa. Kaya kumilos ka na. God bless you!

DR. LOVE 

 

Show comments