Dahil sa barkada

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Ako po ay kabilang sa marami ninyong avid readers sa malaganap ninyong column.

Tawagin mo na lang akong si Maria Ro­sario, 33 taong gulang, tubong Karuhatan pero sa Montalban na nagkaisip at nagkaedad.

Sa kabila ng simpleng pamumuhay at pagkakaroon ng anim na iba pang kapatid, nagawa po ng aking mga magulang na mapapasok kami sa paaralan at kahit sa vocational school, pilit na iginagapang para magkaroon ng pagkakataong matuto sa paraan ng ikabubuhay.

Nang malapit na po akong magtapos, na­ganyak akong sumama sa isang grupo ng tulad kong nagsisikap na mabuhay at kumita. Ang mga kabarkada ko po ay nagtutulak ng kariton at namimili ng mga bote, mga latang puwedeng i-recycle, karton at diyaryo.

Pero ayaw po ng aking mga magulang sa mga kabarkada ko. At ito ang pinagmulan ng aming alitan ng aking ina. Nagbago daw po ang aking ugali, natutong mangatwiran at hindi daw po ako magiging magandang impluwensiya sa aking mga kapatid.

Dahil dito, pinatigil ako ng pag-aaral. Nag­daramdam ako at umalis sa aming tahanan. Nakitira ako sa mga kabarkada ko. Sa pana­hong­ ito ko na-realize na tama ang sabi ni nanay. Hindi madaling makisama. Natauhan din ako na hindi talaga maganda ang grupo na sina­mahan ko.

Pinagsisisihan ko po ang ginawa ko. Gusto kong bumalik sa aming bahay, pero nata­takot ako sa mga magulang ko. Pagpayuhan po ninyo­ ako.

Maraming salamat po.

Sincerely yours,

Maria Rosario

Dear Maria Rosario,

Kng tutuusin ay nasa sapat na gulang ka na para magdesisyon sa iyong sarili. Pero hindi ibig sabihin nito ay babalewalain mo na ang pangaral ng iyong magulang. Hindi maganda ang magmatigas sa magulang. At dahil alam mo na ikaw ang nagkamali, mag-sorry ka at magpakumbaba sa iyong mga magulang. Lagi mong tandaan na kahit ano pa ang mangyari, ang pamilya ay mananatiling pamilya. Kaya umuwi ka sa inyo bago ka pa mapahamak.

DR. LOVE

Show comments