Gustong pumatay
Dear Dr. Love,
Nalulugod po akong makasulat sa inyo para hingan ng payo mula sa inyo ang aking taglay na problema sa puso.
Una sa lahat, hayaan mong ipakilala ko muna ang aking sarili. Tawagin mo na lang akong Manoling, 28-anyos at ex-convict. Nakulong ako noong 19-anyos pa lang ako dahil sa robbery holdup.
Siyam na taon akong nagdusa sa kulungan at bago ako makulong ay may kasintahan ako na kaklase ko noong ako’y high school. Tawagin mo na lang siyang Lydia. Nagmamahalan kami at nang makulong ako ay sumumpa siyang hihintayin ang aking paglaya. Nangako siyang hindi magtataksil.
Noong una’y lagi akong dinadalaw sa Munti pero kalaunan, matapos ang isang taon ay nawala na lamang siya.
Nang makalaya ako ay siya ang aking unang pinuntahan. May asawa na siya.
Sabi niya ni-rape siya ng kanyang asawa kaya napilitan siyang magpakasal.
‘Yun pala ang dahilan kung bakit hindi niya ako dinadalaw noon. Wala naman akong mga kamag-anak na dumadalaw sa akin noon dahil ako’y ulila nang lubos kaya walang nakapagbalita sa nangyari.
Ngayo’y naiisip kong patayin ang kanyang asawa pero ayoko nang makulong pa. Ngunit napakasakit ng pangyayaring ito. Ano ang gagawin ko para mabura sa isip ko ang ideya na pumatay ng tao?
Manoling
Dear Manoling,
Ituring mo na lang na tiklop na kabanata ng buhay mo ang nangyari sa iyo.
Magpasalamat ka at malaya ka na at ang atupagin mo ay harapin ang bago mong buhay. Tama ka. Kung papatay ka ng tao ay hindi rin mababago ang sitwasyon at makukulong ka pa uli.
Kalimutan mo na lang ang dati mong kasintahan at harapin ang bagong buhay mo.
Dr. Love
- Latest