Na-turn off ang lover
Dear Dr. Love,
May sampung taon nang hindi nagpapakita sa akin ang dating karelasyon, Charlito na lang ang itawag natin sa kanya. Pero hanggang ngayon ay nasa isip ko pa rin siya.
Driver ng isang pamilyang Hapones si Charlito sa Japan kung saan din ako nagtatrabaho bilang entertainer. Nagkaroon kami ng relasyon at nagbunga ito ng isang sanggol na lalaki, 19-anyos lang ako noon. Ang masaklap, nawala na lang siya na hindi man lang nag-iwan ng goodbye letter.
Sa palagay ko po ang ipinagtapat ko sa kanya na nakaraan ko ang dahilan niya. Sinabi ko na anim na buwan akong nakulong dahil sa bawal na gamot at nakarelasyon ko ang dating kinakasama ng aking ina, mukhang na-turn off po siya sa akin.
Dinamdam ko po ito ng husto kaya nagkaroon ako ng depression, ang nanay ko po ang nagpagamot sa akin.
Ako po ay 33-anyos na sa kasalukuyan at umaasa pa rin na babalikan ni Charlito. Hindi po siya mawala sa isip ko kaya hindi ako makapag-move on. Ang sabi ni mama, kalimutan ko na raw ang iresponsableng lalaking iyon, dahil umabot na ng grade six ang aming anak ay hindi man lang niya nagawang mangamusta. Dapat ko na nga po bang kalimutan si Charlito? Tulungan po ninyo ako.
Mary Anne
Dear Mary Anne,
Napakatagal nang panahon ang lumipas at sa palagay ko sobra-sobra na iyon na magpakatanga ka sa lalaking ginamit ka lang. Magising ka na sa reyalidad, dahil ang totoo hindi ka naman niya minahal noong simula pa lang.
Dahil kung talagang mahal ka niya, pahahalagahan ka niya at aalahanin, lalo na noong panahong nalaman niyang buntis ka. Sundin mo ang payo ng iyong ina, dahil siya ang tunay na nagmamalasakit sa iyong kalagayan.
Kalimutan mo nang ganap ang ama ng iyong anak at ituon ang iyong panahon sa pagpapayaman sa buhay ninyong mag-ina.
DR. LOVE
- Latest