May kapansanan

Dear Dr. Love,

Ako po ay nagpupugay sa inyo at sa lahat ng mga tagasubaybay ng inyong sikat na column.

Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng Dr. Love at kagaya ng iba, may problema akong ibig isangguni at ihanap ng kalutasan.

Tawagin n’yo na lamang akong Frida, 17 anyos at polio victim. Simula sa edad na limang taon ay maigsi at mapayat ang kaliwa kong paa dahil sa polio. Nakakalakad lang ako sa tulong ng saklay.

Kaya nga po hindi ako nakapagtapos ng ele­mentarya kahit matalino ako dahil lagi akong tinutukso ng mga kaklase ko. Ipinasulat ko lang ang liham ko sa aking pinsang babae dahil hindi ako marunong.

Nagkaroon ako ng inferiority complex dahil sa pangungutya ng ibang tao.

Pero isang bagay ang aking maipagmama­laki. Maganda ang aking mukha dahil ang mama ko ay anak ng isang Amerikano sa isang Pilipina.

For the first time ay may nanligaw sa akin. Tawagin mo na lang siyang Romy. Guwapo siya at may crush din ako sa kanya. Kaso nagdududa ako sa kanyang pag-ibig dahil hindi ako normal. Paano ko malalaman kung totoo ang damdamin niya sa akin?

Frida

 

Dear Frida,

Hindi naman kataka-taka na may manligaw sa iyo dahil maganda ka kahit may kapansanan.

At hindi ka dapat mawalan ng tiwala sa iyong sarili dahil lamang sa kapansanang ganyan.

Gawin mong modelo ang mga ibang nagtagumpay sa buhay kahit may kapansanan. Isang halimbawa si COMELEC Commissioner Grace Padaca na may kapansanan ding ka­tulad ng sa iyo.

Tungkol sa manliligaw mo, ikaw lamang ang makababatid kung tapat nga siya sa iyo at iyan ay mararamdaman mo naman.

Dr. Love

Show comments