Iniwan ni Misis

Dear Dr. Love,

Nawawalan na po ako ng pag-asa ngayon at maging ng tiwala sa sarili dahil sa mga nangyayari sa buhay ko. Nakulong po ako sa krimeng hindi ko naman ginawa at ang masaklap pa dahil dito ay iniwan ako ng aking asawa at dalawang anak.

Napakasakit po at parang masisiraan na ako ng bait. Kung bakit pati ang asawa ko ay naniniwala sa kaso.

Ako po ay 46-anyos at hindi ko po matanggap na hanggang ngayon ay wala pa akong balita sa aking mag-iina.

Tunay po na hindi lahat ng nakukulong ay may dapat pagdusahan, dahil sa kasong kinasadlakan ko, ang pagkakamali ko ay nagpabaya ako. Inakala ko na kahit sampahan nila ako ng kaso ay lalabas din ang totoo. Pero nagkamali ako dahil nakabilanggo na ako.

Nakakaramdam po ako na hindi nadidinig ang mga panalangin ko. Pagpayuhan po ninyo ako at sana matulungan din po ninyo akong magkaroon ng kaibigan sa panulat para kahit paano ay maalis ang pagkainip ko dito sa loob.

Lubos na gumagalang,

Edward Barzana

N-Z11P-0005

CELL 219 Medium Security Compound

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 2177

Dear Edward,

Maraming bagay dito sa mundo na hindi natin kontrolado. Pero kung tunay sa puso mo na inosente ka, wala kang dapat pangambahan dahil katotohanan pa rin ang mananaig. Sikapin mo na laging maging positibo.

Higit sa lahat, huwag kang bibitaw sa Dios, dahil ang lahat ng kabutihan ay nanggagaling sa Kanya. Maaaring sa ngayon ay hindi natin nakikita ang pagtugon Niya sa dalangin natin, tiyak na may dahilan Siya at laging perpekto ang paraan Niya para sa kabutihan nating lahat. Kaya magpakabuti ka diyan sa loob at umasang kumikilos ang Dios para mas mapabuti ka.

Dalangin din namin na may maging kaibigan ka sa panulat. God bless you.

DR. LOVE

Show comments