Dear Dr. Love,
Maalab na pagbati sa iyo at sa mga tagasubaybay mo, Dr. Love. Hayaan mong ipakilala ko muna ang sarili ko.
Armand na lang ang itawag mo sa akin, 30 anyos at hiwalay sa asawa. Kasalukuyan pang lumalakad sa korte ang aming annulment na mag-asawa at naghihintay na lang ng promulgasyon.
Dalawang taon na kaming split ng misis ko at ang dahilan ay sumama siya sa ibang lalaki. Iyan ang ginawa kong ground sa pagpa-file ng annulment.
Hanggang ngayon ay tagos hanggang langit ang galit ko sa aking asawa dahil sa kataksilan niya gayung ako’y nanatili namang faithful sa kanya.
Habang wala pang promulgasyon ang korte ay legally married pa rin kami. Kaya iniisip ko na idemanda siya ng adultery. Puwede kaya ito, Dr. Love?
Dahil sa matindi kong galit ay gusto ko siyang magdusa pati na ang kanyang lalaki.
Nagsisisi ako at ngayon ko lang ito naisip. Sana imbes na annulment ay inihabla ko na lang siya dahil matibay ang ebidensya ko dahil buntis siya ngayon sa kanyang kinakasama.
Armand
Dear Armand,
Kung ako sa iyo, itutuloy ko na lang ang annulment kaysa ihabla mo pa ang misis mo ng adultery.
Tutal, kapwa kayo magiging malaya na at makakaharap sa inyong bagong simula.
Pero kung interesado kang maghabla pa ng adultery ay komunsulta ka sa abogado na may hawak sa inyong annulment case para mabigyan ka ng karampatang payo.
Dr. Love