Bumagsak sa pangit

Dear Dr. Love,

My warmest felicitations to you and your legion of followers. Let me introduce myself to you.

Ako po si Myrah, 26-anyos at dalaga pa dahil pihikan ako sa lalaki.

Kapag may nakita akong kapintasan sa isang lalaki, kahit guwapo pa siya ay nawawalan na ako ng gana. Katunayan, nagkaroon ako ng dalawang boyfriends. Mga guwapo at mata­talino.

Nang mapansin ko na ang una kong boyfriend na nangungulangot, nawalan ako ng gana at binreyk ko agad.

Sa sumunod ko namang boyfriend na guwapo rin at gentlemen, nang minsang mag-date kami ay napansin ko ang kanyang bad breath. ‘Yun ang dahilan kung bakit kinalasan ko siya.

Lumipas pa ang panahon ay nakilala ko si Bert. Hindi guwapo at maraming tigyawat sa mukha.

Scholar siya sa isang pamantasan at hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil nang manligaw siya sa akin ay mabilis niyang nakuha ang aking­ oo.

Hindi lang iyan, mag-aanim na buwan na kami at kahit puro siya kapintasan sa anyong panlabas, minahal ko nang labis ang kanyang kabutihang loob at kanyang talino.

Inaalaska ako ng mga friends ko. Sa pagi­ging pihikan ko raw ay natapat ako sa pangit. Dapat ba akong magpatangay sa mga pangu­ngutya nila?

Myrah

Dear Myrah,

Iyan ang true love. Hindi tumitingin sa panlabas na anyo kundi sa kalidad ng puso.

Huwag kang patangay sa panunukso ng mga kaibigan mo. Kung kanino ka maligaya, doon ka.

Ang kagandahang panlabas ay naglalaho paglipas ng mga taon. Pero ang kabutihang loob ay pangmatagalan. Sabi nga ng rap ni Andrew E, “kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay.”

Dr. Love

Show comments