Paano maiiwasan si Rommel?

Dear Dr. Love,

Let me first greet you a peaceful and happy day!

Isa po ako sa marami ninyong tagahanga at tagasubaybay sa malaganap ninyong column, Dr. Love.

Ang problema ko po Dr. Love ay kung paano makapagsisimula ng pagbabago. Nahawa po ako sa bisyo ng aking boyfriend.

Minsan na kaming nagkahiwalay ni Rommel dahil sa pagkagumon niya sa bawal na droga. Nabalitaan ko na lang na nag-abroad siya. At nang makabalik hinanap niya ako sa dati kong address hanggang magkita kami at muling magkabalikan.

Alam ko na po ang matagal na niyang problema sa droga. Pero hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi ko pa rin siya ma­iwasan. Itinakwil na ako ng sarili kong pa­milya dahil ayaw nilang makipagmabutihan ako kay Rommel.

Sa ngayon po ay namumulot ako ng basura at mga kagamitang maibebenta para may makakain at may ipangbisyo na rin. Si Rommel po ang sinisisi ko sa mga nangyaring ito sa buhay ko. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin maintindihan ang sarili ko kung bakit nagpapaloko pa rin ako kay Rommel. Pagpayuhan po ninyo ako. 

Gumagalang,

Jhessie Ann

Dear Jhessie Ann,

Kung talagang gusto mo ang totohanang pagbabago, bumalik ka sa pamilya mo para tulungan ka nilang ipa-rehabilitate. ‘Yun ang unang hakbang na dapat mong gawin. Lahat ng pagsisimula ay hindi nagiging madali. Dahil hahanap-hanapin ng iyong katawan ang mga bagay na iyong kinagawian.

Pero kung determinado ka sa sinasabi mong pagbabago, malalampasan mo ang lahat. Turuan mo ang iyong sarili na putuling ganap ang anumang ugnayan kay Rommel, lalo na sa bis­yong nakuha mo sa kanya.

Makakatulong kung lilipat ka ng tirahan, yung hindi alam ng iyong nobyo.

Marami ka pang pagkakataon para maituwid ang mga naging pagkakamali mo.

Hingin mo rin ang gabay ng Maykapal para sa pagtutuloy-tuloy ng paghakbang mo sa pag­ba­bago. Dahil sa Kanya nagmumula ang kala­kasan sa ating mga kahinaan.

DR. LOVE

Show comments