Sana dalawa ang puso ko
Dear Dr. Love,
Hello there. Tawagin mo na lang akong Reggie, 29-anyos at may asawa.
Noong 22-anyos ako, nagkaroon ako ng kasintahan. Tawagin mo na lang siyang Lory. Mahal na mahal namin ang isa’t isa. Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang siyang nawala.
Ipinagluksa ko ang pangyayaring ito hanggang sa makilala ko si Lerma na isang midwife.
Kung titimbangin ko ang aking damdamin, mas mahal ko ang nauna kong kasintahang si Lory.
Ngunit nadama ko kay Lerma ang mabilis na pagkapawi ng aking dinaramang sakit dahil sa pagkawala ni Lory. Hanggang sa magpakasal kami nang sumapit ang aking ika-25 na kaarawan. Nagkaroon kami ng anak at napamahal na rin siya sa akin.
Ramdam ko’y higit ko na siyang mahal hanggang nasurpresa ako nang isang araw ay may nag-text sa akin. Si Lory!
‘Di ko alam kung kanino niya nakuha ang number ko pero aaminin kong excited ako sa text message niya.
Nagkita kami sa isang fastfood chain na ibang pakiramdam ang nadama ko. Wala pa siyang asawa bagama’t nagkaroon siya ng ka-live-in na hiniwalayan din niya after one year.
Nahahati ngayon ang puso ko. Dumalas ang aming pagkikita. Ngunit naiisip ko ang aking pamilya na ayaw ko ring mawasak. Paano ko hahatiin ang puso ko?
Reggie
Dear Reggie,
Hindi puwedeng hatiin ang puso. May asawa ka na at inamin mong mahal mo na siya ngayon. Kahit may nadarama ka pa kay Lory, hindi ka na malaya at wala ka nang karapatan sa kanya.
Ang mabuti mong gawin ay maglimutan na kayo ni Lory habang maaga bago pa lumalim ang inyong relasyon at humantong sa malagim na wakas ng relasyon ninyong mag-asawa
Dr. Love
- Latest