Problema ang mga kamag-anak ni Mister

Dear Dr. Love,

Suki ang aming bahay ng mga kamag-anak ng aking asawa na nagbabakasyon. Wala naman po sana akong problema tungkol dito kaya lang dahil napapadalas at dumarami ang nakikitulog at nakikikain sa aming bahay, nagsa-suffer ang aming budget. Ang pang isang buwan na gastusin ay nadodoble at kung minsan tumitriple pa.

Malapit po sa paliparan ang bahay namin ng aking asawa na si Larry kaya sa tuwing magbabakasyon sa bansa ang kanyang panganay na kapatid, si Kuya Mando kasama ang dalawang anak ay sa amin ang diretso. Okupado ng mag-anak ang dalawang silid sa aming bahay na may sariling banyo, aircon at iba pang amenities.

Hindi ko na po sana gustong problemahin pa ang tungkol sa bagay na ito dahil hindi naman sila iba sa amin. Pero maging ang iba pang kapatid ng aking asawa ay sa amin na lahat nagtutulugan at kumakain kapag inabot ng gabi sa kani-kanilang mga lakad o kung gabihin sa pagsalubong sa balikbayan.

May ibang kapatid rin po ang aking asawa na malapit lang din sa amin ang bahay pero nawiwili sila na sa amin kumain. Mukhang hindi na po nila ginugustong magluto sa kanilang bahay at nakikikain na lang sa amin. Kung minsan may take out pa.

Balewala na po sa akin kung nagugulo ang aming bahay sa mga ganitong sitwasyon. Pero bukod sa pag-alma ng aming budget, nakakaramdaman na po ako na naabuso na ang pakikisama naming mag-asawa.

Kung minsan gusto ko na lang magkasakit para may dahilan ako para sa ibang kapatid naman ng aking asawa sila tumuloy. Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love.

Maraming salamat.

Gumagalang, 

Mia

Dear Mia,

I-open mo sa iyong asawa ang saloobin mo tungkol sa napapadalas na pagpunta ng kanyang mga kamag-anak at ang epekto nito sa inyong family budget, saka mo hingin ang opinyon niya. Marahil mas makakaisip siya ng paraan kung paano iha-handle ang kanyang partido nang hindi sasama ang loob.

DR. LOVE

 

Show comments