Tambay ang partner

Dear Dr. Love,

Dalawang linggo na kaming hindi nagki­kibuan ng ka-live in ko, ang dahilan ay tutol akong magkaanak kami.

Sa sofa na nasa sala natutulog si Nardo. Tinitikis niya ako, dahil nasanay na siyang ako lagi ang nagso-sorry. Macho ang tingin niya sa sarili niya kapag ako ang unang sumusuko. Pero wala po akong ginawang masama, kaya bakit ako magso-sorry?

May dalawang anak sa dating asawa si Nardo at dalawa rin ang sa akin, hindi ko po maintindihan kung bakit hindi niya ma-gets na hindi kami handa na magdagdag ng isang bibig na pakakainin, gayong ako lang ang bumubuhay sa aming lahat. Ang sabi ko kay Nardo, papayag akong magkaanak kami ng sarili namin kapag nagkaroon na siya ng trabaho.

Ang problema po, kuntento na lang siyang patambay-tambay. Habang ako ay hindi na halos magkandaugaga sa paghagilap ng eks­trang mapagkakakitaan.

Mahal ko po si Nardo, pero hindi ko siya mapagbibigyan sa gusto niya kung sasandal na lang siya sa akin. Pinaninindigan ko po ang disposisyon ko tungkol sa bagay na hindi namin mapagkasunduan. At ito po ang ipinagtatampo niya. Gusto ko na sanang gumawa ng unang hakbang para magkabati na kami.

Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love. Mara­ming salamat po.

Gumagalang,

Marivic

 

Dear Marivic,

Talagang hindi matututo ‘yang ka-live in mo kung laging ikaw ang manunuyo sa kanya, kahit na sa kanya ang diperensiya. Kung ganyan ka nang ganyan, talagang kailangan mong magtiis. Pero ang tanong ay hanggang kailan?

Hindi ako pabor sa live-in dahil walang panalo ang mga gaya mo sa ganyang set-up. Tapos, ikaw pa ang solong pumapasan sa panga­­ngailangan ninyong lahat. Aba, mag-isip-isip ka, Marivic.

Hindi magandang puso lagi ang pairalin. Kailangan din paganahin ang isip, kung ayaw mong madali ang pag-sign off mo sa mundo at maging kawawa ang mga anak mo.

DR. LOVE

Show comments