Dear Dr. Love,
Isa po akong working mother at kabilang sa mga pagsubok sa sitwasyon ko ay ang paghahanap ng mapagkakatiwalaang yaya sa aking dalawang taong gulang na anak.
Kahit pa parang ginto ang yaya na galing sa agency, pinatos ko na. Pero wala rin palang paroroonan.
Una kong ikinagimbal nang minsang pag-uwi ko ay yumakap sa akin ang aking anak na si Jonathan at sinasabing lip-lip. Hindi ko po ito naintindihan agad, kundi pa niya inilapit ang nguso niya sa bibig ko at sinabing lip-lip. Nabigla po ako dahil hindi namin gustong mamulat ng maaga sa ganoong bagay ang aming anak.
Ipinatanong ng aking asawa kay Dory kung saan natutunan ni Jonathan ang tungkol sa pakikipaghalikan, mariin ang tanggi ni Dory na hindi sa kanya. Baka raw sa kapapanood ng TV, dahil mahilig ang bata sa teleserye. Kaya pinagsabihan ko siyang huwag hayaan sa TV si Jonathan.
Pero dahil hindi na ako mapalagay, minsan kong sinadyang umuwi ng maaga para malaman ang sitwasyon ng aking anak sa bahay kapag wala ako. Tahimik ang bahay at nakapasok ako nang walang nakakapansin. Dinatnan kong tulog ang aking anak at napahiyaw naman ako nang makita si Dory na may kalampungang lalaki.
Agad kong pinadampot sa security ang dalawa. Driver pala ng kapitbahay namin ang lalaki. Noon din kahit nakikiusap para sa isa pang pagkakataon ay pinalayas ko si Dory.
Nakabakasyon ako ngayon para pansaÂmantalang mag-alaga sa aking anak pero gusto ng asawa ko na sa bahay na lang ako. Bukod sa nanghihinayang ako sa mawawalang kabuhayan, hindi ko rin po matatagalan ang manatili lang sa bahay.
May maipapayo ba kayo na mapagkukunan ko ng matinong yaya? Sa palagay n’yo rin po ba, dapat ko nang sundin ang aking asawa na tumigil na sa pagtatrabaho?
Gumagalang,
Leny
Dear Leny,
Wala akong ideya sa makukuhanang yaya. Bakit hindi mo subukan na makisuyo muna sa isang kapamilya, kamag-anak, kapatid o pinsan? Pero kung wala na talagang option at para na rin sa kapanatagan mo para sa iyong anak, subukan mo munang pakinggan ang mister mo.
DR. LOVE