Dear Dr. Love,
Pagkaraan ng napakatagal na panahon, hindi ko sukat akalain na maririnig ko rin mula sa mga labi ng aking mga kapatid ang kailan man ay hindi ko alam na labis nilang paghanga at pagmamahal sa akin.
Kung hindi pa ako nagkasakit at nalagay sa kritikal na 50-50 ang tsansang mabuhay, hindi ko ‘yun malalaman.
Noong buhay pa kasi ang aming mga magulang, ang itinuturing naming modelo ay ang paborito nina tatay at inay, ang sumunod sa aking kapatid na babae.
Dahil siya ang mayaman at nakapagbibigay ng kaalwahan sa buhay sa aming mga kapatid. Pero sumobra po ang pagkahumaling sa sugal kaya nawalang parang bula ang lahat. Nakabuti rin ang nangyari dahil natuto ang mga kapatid kong kumayod at hindi umasa na lang.
Ako at ang aking asawa ay nanindigang tumayo sa aming sariling paa. Alam ko po na hindi boto ang mga kapatid ko at mga magulang sa aking mister dahil pangkaraniwang empleyado lang siya.
Pero bumuhos ang kanilang pagmamalasakit at pagmamahal sa aming mag-asawa. Ang mga salitang, “kailangan ka namin, ate… labaÂnan mo at huwag kang mawawalan ng pag-asa,†ay talagang nakapagpalakas sa akin. Sa katunaÂyan po, himalang gumaling ako.
Ang mga nangyari ay nakapagpaluha sa aming mag-asawa, dahil naging daan ang pagkakasakit ko para magkalapit nang husto ang bawat isa sa aming pamilya.
Sana po, ang karanasan kong ito ay magsilbi ring aral sa inyong mga mambabasa.
Gumagalang,
Nerissa
Dear Nerissa,
Tunay na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti natin. Madalas, hindi natin nakikita agad ang kabutihan dahil nasa kalagitnaan tayo ng matinding pagsuÂbok. Pero kung matututunan natin ang magtiwala sa Kanya, madadala natin ang kahit ano pang pagsubok nang may kagaanan. Maraming salamat sa magandang kwento mo. Natitiyak kong marami ang na-inspire rito.
DR. LOVE