Buntis pala

Dear Dr. Love,

Hindi ko na mabilang kung ilang beses na­ming­ dinala sa ospital ang asawa kong si Betty. Nagiging alibi niya ang hirap sa paghinga o pagtaas ng blood pressure at kung anu-ano pang sakit sa tuwing magkakabistuhang walang basehan ang pagseselos niya sa kung kani-kaninong babae.

Pero kahit po magkaganun ay kabado pa rin ako, nagso-sorry na lang ako kahit wala akong kasalanan para tumigil na siya.

Minsan, pinsan ko ang pinagselosan niya. Ang tsismosang kaibigan niyang si Amanda ang mabilis na tumawag sa kanya habang papasok pa lang kami ng bahay. At ang sabi pa ay magka-holding hands pa kami ng balikbayan kong pinsan na si Rose.

Sa pinto pa lang ay nakita ko na ang matalim na mata ni Betty, pero namula siya nang salubungin ni Rose at sabihin…kaya pala mistulang santo ang pinsan ko, hindi na pala talaga kailangang humanap pa ng iba.

Nag-sorry agad sa akin si Betty. Pinayuhan din siya ng pinsan ko na huwag paniwalaan ang tsismis ng mga kaibigan na gusto lang magkasiraan silang mag-asawa.

Dahil sa mga nangyari, masayang-masaya si Betty na nagsilbi sa amin. Kontodo wine pa. Pero bigla na lang siyang nagsusuka, akala kong sasama na naman ang loob ko dahil bahagi na naman ito ng alibi niya. Pero laking pa­sasalamat ko sa Dios dahil masusundan na ang aming panganay, na limang taon na naming hinihintay.

Mula noon Dr. Love, hindi na nagdrama uli ang misis ko at hindi na rin siya nagseselos kahit na siya mismo ang nakakita na may kasama akong ibang babae na kaibigan lang naman.

Maraming salamat po sa pagbibigay daan sa liham na ito.

Gumagalang,

Brando

Dear Brando,

Nakakatuwa ang kwento ninyong mag-asawa. Pero sa palagay ko, ang mood swing na tinatawag na naoobserbahan mo sa iyong asawa ay bahagi na ng kanyang pagdadalantao. Ala­gaan mo siyang mabuti. Hangad namin na magpatuloy ang magandang samahan ninyong mag-asawa. God bless!

DR. LOVE

Show comments