Verbally abused wife
Dear Dr. Love,
Isa po akong verbally abused wife at nais ko pong payuhan ninyo ako sa balak kong pag-alis para makalaya na kay Donato.
Ako po ay isang dalagang ina nang ligawan at pakasalan ni Donato, isang casual employee sa ahensiyang pinapasukan ko. Mas bata siya sa akin ng limang taon pero hindi naman po halata iyon dahil ako ay baby face. Masayahin po ako kahit na kinahihiya ng aking pamilya dahil hindi ako pinanagutan nang magbuntis.
Wala po akong nararamdamang pagmamahal nang magpakasal kay Donato, Dr. Love. Nadala lang po ako sa buyo ng aking pamilya para may kilalaning ama ang aking ipinagbubuntis noon. Pero malaking kalbaryo po pala ang aabutin ko, ang masaklap pati ng aking anak na malimit pagbuntunan ni Donato, pinapalo niya nang madalas. Lalo siyang naging aburido nang mawalan ng trabaho. At ako ang sinisisi niya sa mga kamalasang nangyayari sa kanya.
Hindi naman po niya ako sinasaktan kapag nagagalit siya, maliban sa hindi ko kayang lunukin ang mga masasakit na salitang binibitawan niya laban sa akin.
Tanging ang kaibigan ko lang na si Donna ang nagsisilbing hingahan ko ng aking mga sama ng loob.
Nakatakdang magpunta sa Mindanao ang aÂking asawa para mag-training, para po akong nabunutan ng tinik sa balitang ito. Makakahinga na kami ng maluwag ng aking anak. Pero naiisip ko po na gamitin ang pagkakataong ito para tuluyan nang makalaya sa abusado kong asawa. Magpapakalayu-layo kaming mag-ina, nangako si Donna na tutulungan niya akong makapasok sa isang sangay ng aming kompanya sa probinsiyang pagtataguan naming mag-ina.
Pero nag-aalala po ako dahil pagbalik ng asawa ko, siguradong maghahanap ‘yun at gaganti. Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Delma
Dear Delma,
Maaaring mapagtiisin ng isang asawa ang masaÂsakit na salita mula sa kanyang kabiyak, pero para sa akin labis na kung pati ang bata ay magkaka-trauma. Kung nakakaramdam ka ng panganib para sa kalagayan ninyong mag-ina, subukan mong lumapit sa isang public attorney. Ito ‘yung abogadong nagseserbisyo ng libre at magpatulong ka para magkaroon kayong mag-ina ng kapanatagan tungkol sa problema mo sa iyong asawa.
DR. LOVE
- Latest