Dear Dr. Love,
Isang pangkaraniwang pamilyado po ang turin ko sa aking sarili, isang ama na nagsisikap na maitaguyod ang lahat ng pangangailaÂngan ng aking pamilya. Tatlo po ang aking anak, pawang nasa high school na. Dahil hindi naman sapat ang naiwang pensiyon ng aking ama sa aking ina, suportado ko rin po ang kapatid ko na third year college na sa engineering course.
Pero ang pagkukumahog kong kumita nang sasapat, Dr. Love ay hindi maunawaan ng aking asawa. Dahil kulang na raw ako sa atensiyon sa kanya. Madalas siyang mag-ayang mag-Hong Kong o kaya’y Singapore para mag-beach. BaÂgaman napagbibigyan ko siya minsan, pero madalas ay hindi.
Sa mga pagkakataong ito nagsimula ang problema sa aming relasyon. Dahil natuto ang misis ko, maghanap sa iba. Nadiskubre ko ito nang maiwanan niyang nakatiÂwangÂwang ang kanyang diary at doon isinasalaysay niya ang mga natutunan niya sa kanyang mga one night stand.
Aminado naman po ako sa aking pagkukulang, dahil lagi akong pagod kung dumating sa bahay. Dahil kung minsan, dalawa o tatlo ang trabahong aking kinukuha para maka-sideline. Kaya sa sobrang pagod ay nakakatulog na ako.
Ano ang dapat kong gawin sa ganitong sitwasyon, Dr. Love? Humingi na ng tawad sa akin si misis at inaming makasarili siya. Naaawa po ako sa aking sarili, pero hindi ko po naman kayang mabuwag ang aking pamilya, na siyang dahilan ng aking pagpapakahirap sa trabaho.
Pinatawad ko na po siya, pero hindi ko sinisipingan hanggang ganap siyang magtika at mawala na rin ang galit sa aking dibdib. Hindi ko po pinaÂpahalata sa aming mga anak ang nangyayari sa amin. Hanggang kailan po ako magdurusa? Pagpayuhan po ninyo ako. Thanks.
Gumagalang,
Adolfo
Dear Adolfo,
Sapat na ang hirap ng kalooban na dinanas mo nang makumpirma ang kataksilan ng iyong asawa. Kaya huwag mo nang dagdagan. Normal lang ang magalit o makaramdam ng awa pero huwag mong hayaan na sakupin nito ang araw-araw mong buhay. Magdasal ka at hingin ang kalakasan sa Dios, magiging mabuti ang lahat. Lagi mo rin alalahanin ang iyong mga anak at ang buhay nila kung masisira ang pamilya n’yo.
DR. LOVE