Dear Dr. Love,
Naguguluhan po ako ngayon. Maligaya po ang pagsasama naming mag-asawa kapiling ng aming tatlong anak. Pero kailan lang ay nadiskubre kong may ibang lalaki sa isip ng asawa ko.
Hindi ko po sinasadya na makita ang diary niya at mula roon ay nabasa ko na lihim siyang nagmamahal sa isang kaopisina, na gaya niya ay may pamilya na rin.
Sa totoo lang po, nakakalito dahil sa kilos at pananalita ng aking asawa ay nararamdaman kong mahal niya ako. Pero bakit po may ganoon pang nakasulat sa kanyang diary?
Minsang nagkaroon ng pagkakataon ay hindi na ako nakapagpigil na tanungin siya tungkol sa nabasa ko. At ang sabi niya, isa lang daw ‘yun passing moment sa kanyang buhay. Sinabi rin niya na normal lang daw na magkaroon ng crush ang isang lalaki o babae nang hindi kailangan na magkaroon ng katugon na damdamin.
Base nga sa diary, hindi naman sila nagkaroon ng relasyon at nawalan na ng contact nang malipat siya sa ibang opisina.
Dapat ko pa bang pagselosan ang taong iyon na naging laman ng isipan ng misis ko sa loob ng isang taon? Baka naman gumagawa lang ako ng multo sa sarili ko? Naguguluhan po ako, pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Ronald Consti
Dear Ronald,
Para sa akin, ang pagmamahal ng iba ng isang may asawa kahit sa isip lang ay latak na maaaring makapinsala sa katapatan ng pagsasama ng bawat isa. Kaya ang maipapayo ko ay tulungan mo ang iyong asawa na maipokus lang ang kanyang atensiyon sa pagmamahal mo at pagmamahal ng inyong mga anak. Nang sa gayon ay mawala na nang tuluyan kahit na pinakamaliit na puwang sa puso niya para sa ibang lalaki.
Pagsikapan mo pang suruin kung may bahagi bang kulang sa inyong pagsasama, na dapat mapunan. Higit sa lahat, lagi mong isama sa iyong panalangin ang iyong misis at ang inyong pagsasama. Dahil ang lahat ng bagay na hindi natin kontrolado ay nasa kamay ng Dios.
DR. LOVE