Hanggang kabit lang

Dear Dr. Love,

Masakit pakinggan ang salitang kabit. Ito ang naramdaman ko nang parunggitan ng isang magulang ang anak ko na nagtapos ng valedictorian sa high school.

Ang sabi ng isang magulang, “kabit lang ang ina n’yan ni konsehal pero kinilala ang batang iyan dahil wala silang anak ng kanyang asawa.” Masakit pero, totoo.

Ang hindi nga lang alam ng mga tsismosa, alam ng asawa ni konsehal ang namagitan sa amin. Una akong pumayag sa kasunduang bibigyan ko lang sila ng anak pero sila ang tatayong magulang.

Pero nagbago ang isip ko, hindi ko kayang ipamigay ang aking anak. Dahil din ito kay konsehal, gusto niyang ipagpatuloy ang aming relasyon. Napamahal na raw ako sa kanya at ang aming baby. Ang totoo, tinamaan din ako kay konsehal, Dr. Love.

Magkagayon man, hindi ko gustong mang-agaw ng asawa, lalo pa’t mabait ang misis ni konsehal. Hindi po normal ang sitwasyon at ang lalong apektado ay ang bata.

Magtatapos na si Merlinda sa high school at balak na naming ipagtapat sa kanya ang totoo. Napagpasyahan ko po na tuluyan na lang isuko ang pagiging magulang ko sa aking anak para sa kanyang kinabukasan. Tita lang po ang pagkakilala niya sa akin at ang kinikilala niyang mga magulang ay si konsehal at ang asawa niya. Tama po ba ang desisyon ko?

                                                                  Gumagalang,

Emily

Dear Emily,

Kung ako ang tatanungin mo, hindi ko makakayang ipamigay ang aking anak. Pero ikaw ang nakakaalam sa sitwasyon niya sa piling ng kanyang ama at kinikilalang ina, kaya ikaw lang ang makakapagpasya kung tunay siyang nasa mabuting kamay.

Ang maipapayo ko ay tiyakin mo sa iyong kalooban ang iyong desisyon para wala kang pagsisisihan sa darating na panahon.

DR. LOVE 

  

Show comments