Dating nobya ’di malimot

Dear Dr. Love,

May limang taon na kaming hiwalay ng aking kasintahan si Rizel pero hindi pa rin siya mawala sa isip ko.

Tawagin mo na lang akong Mauro, 30 anyos at may asawa’t dalawang anak.

Ang asawa ko ngayon ay hindi ko talaga mahal. Pinakasalan ko siya nang kasalukuyang aburido ako sa pagkawala ng aking kasintahan na nag-asawa ng iba dahil sa gusto ng kanyang magulang.

Masama ba Dr. Love na sa tuwing katabi ko ang aking asawa, tuwing hahalikan ko siya at sisipingan ay ang dati kong kasintahan ang aking nasa isip?

Alam kong unfair ito dahil kahit sa isip lang ay nagiging taksil ako sa aking asawa na dapat kong mahalin. Pero hindi ko mapilit ang aking sarili.

Paano ako makakalimot?

Mauro

Dear Mauro,

Tama ka. Hindi ka man nagtataksil nang totoo sa iyong asawa pero ang nasa isip mo’y ibang babae kapag siya’y katalik ay katumbas na ng pagtataksil.

Sa buhay ng tao, may mga mapapait na pangyayaring dapat nating tanggapin gaano man ito kasakit.

Ituring mo na lang na bahagi ng iyong nakalipas ang dati mong kasintahan at alang-alang man lang sa mga anak mo’y pag-aralan mong mahalin ang iyong asawa.

Dr. Love

Show comments