Paano ba ang lumimot?
Dear Dr. Love.
Isang pinagpalang araw ang ipinaaabot ko sa iyo. Alam kong di mabilang ang mga mambabasa mo pero naglakas loob akong lumiham para katulad ng iba, maikonsulta ko ang aking mabigat na problema sa pag-ibig.
Tawagin mo na lang akong Marlon, 32-anyos at hanggang ngayo’y binata pa dahil wala akong mahanap na maipapalit sa dati kong kasintahang si Lucy kahit ako’y kanyang pinagtaksilan limang taon na ang nakalilipas.
Nagmahalan kami sa loob ng tatlong taon at buong akala ko’y kami na ang magkakatuluyan. Nagkamali ako. Madalas niyang sabihin sa akin noon na ibig niyang makarating upang doon mamalagi sa Amerika. Ako naman ay todo tanggi dahil mahal ko ang aking inambayan.
Dahil lamang sa hangad niyang makaraÂting sa Amerika, nag-TNT siya roon hanggang sa makakilala ng Amerikanong kanyang pinakasalan.
Napakasakit ng ginawa niya sa akin at hanggang ngayo’y nakatanim ang galit pero ang ipinagtataka ko, hindi ko siya magawang ipagpalit kahit kaninong babae. Galit ako pero mahal ko siya.
Ano ba itong nararamdaman ko? Paano ko siya malilimutan?
Marlon
Dear Marlon,
Life goes on Marlon. Dapat ka nang kumawala sa masaklap mong nakaraan. Ang paglimot ay isang desisyon na dapat mong gawin nang agaran ano man ang iyong nararamdaman.
Dahil lamang ba sa isang mapait na karanasan ay titigil na ang mundo mo sa pag-ikot? Huwag kang maging unfair sa sarili mo. Bawat tao, hanggang nabubuhay ay may karapatang lumigaya.
Go around and circulate. Make friends with people at alam kong matatagpuan mo ang babaeng karapat-dapat sa iyo.
Isipin mo lang na ipinagpalit ka ng kasintahan mo sa kanyang ambisyong makarating at mamirmi sa Amerika. Ibig sabihin, hindi ikaw ang pinakamahalaga sa kanya kundi ang kanyang ambisyon.
Hanapin mo ang iyong kaligayahan. Naririyan lang iyan sa tabi-tabi at naghihintay sa iyo.
Dr. Love
- Latest