Nalulong sa casino

Dear Dr. Love,

Matagal na akong suki sa column mo pero ngayon lang ako nangahas sumulat sa iyo.

Tawagin mo na lang akong Marlo, 42 anyos­ at may asawa. Naninibago ako sa misis ko dahil dati siyang uliran at masinop sa buhay.

Isa siyang sales manager sa isang insu­rance company at aaminin kong mas malaki ang kinikita niya kaysa akin.

Pero nitong nakalipas na limang taon ay nalulong ang asawa ko sa pagsusugal sa casino at doon nagsimula ang pagbagsak ng aming kabuhayan.

May pinapag-aral pa kami sa college na dalawang anak kaya medyo nahihirapan kaming magtaguyod sa kanilang pag-aaral.

Kapag sinasabi ko sa kanya na tumigil sa pagsusugal ay nag-aaway lang kami. Minsan ay napapaisip akong ipa-annul na ang kasal namin.

Ano ang gagawin ko Dr. Love?

Marlo

Dear Marlo,

Tingin ko’y kailangang ma-rehab ang asawa mo dahil siya ay lulong sa isang masamang bisyo. Ang ganyang kondisyon ay tinatawag na ludomania na maituturing na psychological disorder.

Ikonsulta mo siya sa psychologist ba­ga­ma’t baka tumanggi siya sa ganitong sistema­.

Bago iyan, mag-usap muna kayo at ipa­kita mo sa kanya ang situwasyon ng inyong pamilya. Ang kaibahan noong isa pa siyang uliran at masinop na maybahay at ngayong siya’y nalulong sa sugal.

Daanin mo siya sa madiplomasyang salita­ at naniniwala akong makukumbinsi mo siya.

Dr. Love

Show comments