Family background

Dear Dr. Love,

Mayroon akong natuklasang family background information na hindi ipinagtatapat sa akin ni Roland, ang aking boyfriend sa nakalipas na tatlong taon. Kung kailan pa naman minahal ko siya ng husto at yari na ang aking kalooban na pakasal sa kanya saka ko nabatid na mayroon siyang kapatid na may mental problem at ito raw ay hereditary sa kanilang pamilya.

Hindi ko sana bibigyan ito ng malaking puntos sa pagdedesisyon na pumayag nang gawing opis­yal ang aming engagement para maitakda na ang aming pag-iisang dibdib. Pero nang ipagtapat ko sa aking parents ang family background ni Roland­, pinag-iisip muna ako ng aking pamilya.

Wala sana silang tutol kay Roland dahil isa siyang responsableng tao, mabait at makakasundo ko talaga. Pero hindi ba isang malaking problema ang kakaharapin ko, namin kung sakali’t mamana ng magiging anak namin ang karamdamang ito na mistulang sumpa na minana ng iba pa niyang mga malapit na kamag-anak?

Mahal ko po si Roland, pero isa akong praktikal na tao na nagbibigay ng malaking puntos sa aking­ hinaharap at maaaring kaharapin sakali’t maging mag-asawa na kami ni Roland.

Ito kaya ang dahilan kung bakit inilihim sa akin ni Roland ang impormasyong ito sa kanyang fa­mily­ background? Payuhan mo po ako Dr. Love. Hindi ko gustong labagin ang kagustuhan ng aking mga magulang.

Gumagalang,

Len

 

Dear Len, 

Sa pag-aasawa, hindi lang ang kagustuhan ng puso ang nananaig. Isang panghabang buhay na commitment ang pakikipagtaling puso kaya kailangang gamitin hindi lang ang dikta ng puso kundi maging ang pag-iisip.

Kailangang balansehin ang puso at isip para walang pagsisihan sa dakong huli. Kausapin mo si Roland at alamin kung bakit niya ipinaglihim sa iyo ang natuklasan mong family background niya. Hindi magiging makatarungan sa kanya at gayundin sa iyo kung pawang mga espeku­lasyon lang ang pagbabatayan ng iyong magi­ging desisyon sa plano ninyong pagpapakasal.

Sumangguni ka rin sa isang espesyalista sa mental health kung pa­anong ang problemang hereditary sa isang ang­­kan ay puwedeng ma­iwasan at hindi lumabas sa iyong magiging pa­milya sa hinaharap.

DR. LOVE

Show comments