Papalitan ba ang ka-live-in?

Dear Dr. Love,

Maalab na pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo. Tawagin mo na lang akong Nicole, 23-anyos at isang saleslady sa kilalang mall.

May ka-live in partner ako ngayon at isang taon na kaming nagsasama. Tamad siya at ako lang ang bumubuhay sa kanya.

May nakilala akong lalaki. Mayaman siya at madalas na customer sa shop na pinagtatrabahuhan ko.

Inalok niya akong magsama kami. Guwapo naman siya at maginoo.

Nag-iisip ako ngayon kung sasama ako sa lalaking ito na malamang mag-angat sa aking kalagayan.

Pagpayuhan ninyo ako.

Nicole

Dear Nicole,

Hindi ako pabor sa pagsasama nang walang kasal. Katulad mo ngayon, tingnan mo ang nakuha mo. Batugang lalaki na ikaw pa ang nagpapakain.

Ngayon, may mayaman kamo na pumoporma sa iyo. Dalawang bagay ang tatanungin ko: Mayaman ba talaga o mayabang lang? Binata ba siya na puwede kang pakasalanan?

Sabihin na nating binata, mayroon ka bang love na nadarama? Kung wala, kalimutan mo na lang. Walang saysay ang pakikisama sa sino man kung walang pag-ibig at ang habol lang ay ginhawa sa buhay.

At kung ako sa iyo, hihiwalayan ko na rin ang ka-live-in mo dahil ibinabaon mo lang ang sarili mo sa matinding problema.

Dr. Love

Show comments