Dear Dr. Love,
Panganay po ako sa aming tatlong magkakapatid pero hindi ko maramdaman na mahaÂlaga ako para sa aking tatay. Ang pakiramdam ko po, kahit ano ang gawin ko ay hindi ko makuha ang atensyon niya.
Sinisikap ko po na mapalapit sa kanya, pero nananatili siyang malayo. Kahit nagpakahusay ako sa aking pag-aaral, nag-top ako sa klase at nagtapos nang valedictorian sa high school. Hindi lang po ‘yun, pumasa rin ako sa scholar at maging sa examination ng DOST kaya ang kursong gusto ko na chemical engineering ay makukuha ko ng libre, tatanggap pa ako ng monthly allowance at book allowance.
Sobrang excited akong ipakita noon kay tatay ang resulta ng examination na lumabas sa dyaryo pero ang sinabi lang niya ay mabuti. Naiyak po ako sa pagkaunsyami. Ilang beses akong nagtanong kay nanay kung bakit ganun ang pakitungo sa akin ni tatay pero wala siyang malinaw na sagot. Kay Tita Irma ko inihinga ang sobrang sama ng loob ko at hindi ko inaasaÂhang siya ang magbibigay linaw ng lahat sa akin.
Hindi ko pala tunay na ama si tatay. Iniwan ng nanay ko ang tunay kong ama noong nasa sinapupunan palang ako dahil bukod sa lasenggo ay hindi mabuti ang trato sa kanya ng mga kamag-anak nito. Sabi ni Tita Irma, maaÂaring takot lang ang amain ko na ilapit ang kalooban niya sa akin dahil baka sa kalaunan ay hanapin ko rin ang tunay kong ama. At marahil daw ay hindi rin niya alam kung paano dapat mag-react dahil kabaliktaran ko ang tunay niyang mga anak na hindi mahilig mag-aral.
Gusto ko pong malaman kung paano ko mabaÂbago ang trato sa akin ng amain ko? Dapat ko rin bang hanapin ang tunay kong ama? Naguguluhan na po ako.
Gumagalang,
Joseph
Dear Joseph,
Para sa akin, huwag ka lang mapagod sa pagsisikap na maipadama sa iyong amain na mahalaga siya para sa iyo. Manatili kang magpakumbaba para sa iyong mga kapatid sa kabila ng iyong tagumpay.
Darating din ang panahon na aanihin mo nang lubos ang mga pagsisikap mong ito. God bless you.
DR. LOVE