Dear Dr. Love,
Sumulat ako sa inyo dahil kagaya ng iba, kailangan ko ang inyong payo.
Tawagin mo na lang akong Mameng, 53 anyos at may dalagang anak. Itago mo na lang sa pangalang Irma, 19-anyos na siya.
Magmula sa pagkabata hanggang magdalaga ay hindi ko kinakitaan ng pagiging magaslaw ang anak ko. Maayos ang kanyang pag-aaral at mula sa eskuwela ay bahay ang kanyang diretso.
Tumutulong din siya sa gawaing bahay at may sapat na panahong mag-aral ng leksyon.
Ni hindi ko alam na may kasintahan siya hanggang dumating sa akin ang masakit na pangyayari. Nagtapat siya sa akin na buntis siya. Nasampal ko siya ng malakas pero ang tatay niya ay mahinahon.
Nalulungkot ako dahil hindi man lang niya tinapos ang kanyang kurso. Gusto ko siyang isumpa at itakwil. Ngayo’y sumama siya sa kanyang kasintahan at isang buwan na siyang wala sa poder namin.
Gusto ko siyang patawarin pero nagpupuyos ang galit sa dibdib ko. Ano ang dapat kong gawin?
Mameng
Dear Mameng,
Ang kapatawaran ay hindi emosyon kundi desisyon. Nagpapatawad tayo dahil ito ay atas sa atin ng Panginoon, ano mang galit ang dala-dala natin.
Isa pa, nangyari na iyan at dapat na lang ilagay sa ayos. Kailangan silang makasal ng kanyang kasintahan imbes na nagsasama nang walang kasal.
Asikasuhin ninyong mag-asawa iyan sa lalong madaling panahon.
Dr. Love