Tinakbuhan

Dear Dr. Love

Sana po ay mapaunlakan ninyong ilathala­ ang sulat ko na tulad ng iba ay humihingi ng ginintuan ninyong payo.

Tawagin n’yo na lang akong Lovely, 19 anyos at kumukuha ng kursong elementary education.

Nag-practicum ako sa isang eskuwela at dito ko nakilala si Peter na isang regular teacher. Twenty seven years old na siya.

Nagkaroon kami ng relasyon at tiniyak naman niya na ako ang babaeng kanyang pakakasalan.

Pero nagulat na lang ako nang bigla siyang hindi na pumasok sa school na pinagtuturuan niya at nabalitaan na lang ng buong paaralan na nag-abroad na siya.

Worried ako dahil may pumipintig sa aking sinapupunan. Naipagkatiwala ko sa kanya ang aking pagkadalaga at hindi ko ina­asahang magbubunga sa minsan na­ming pagtatagpo.

Natutukso akong ipalaglag ang baby dahil tiyak kong kakastiguhin ako ng aking mga magulang. Ano ang gagawin ko?

Lovely

Dear Lovely,

Kung mayroong may kasalanan sa ipinagbubuntis mo, hindi ang batang dala-dala mo kundi kayong dalawa ng nakarelasyon mo.

Huwag mong lutasin ang isang kasalanan sa pamamagitan ng panibagong kasalanan. Ginusto mo iyan, harapin mo ang consequence. Habang maaga’y magtapat ka sa iyong magulang at harapin mo nang may katapangan ang kanilang galit.       

Ako man ang nasa katayuan ng parents mo ay magagalit din ako. Pero huhupa rin ang galit at mangingibabaw ang katotohanang anak ka nila, ano mang pagkakamali­ ang iyong ginawa.

Sana’y magsilbing aral sa iyo at sa ibang kagaya mo ang iyong karanasan.

Dr. Love

Show comments