May kondisyon ang pagpapakasal

Dear Dr. Love,

Pumayag na ang girlfriend ko, si Lynda na maging officially engaged na kaming dalawa in preparation for our wedding. Sobrang saya ko na sana, kundi lang sa kun­disyong hiningi niya. Ito ay ang makausap muna ang ex-girlfriend kong si Dora. Kung ano ang dahilan niya ay hindi ko po alam.

Wala naman po akong inilihim kay Lynda tungkol sa iniurong na kasal namin ni Dora. Tuloy ang dating sa akin ay nagdududa siya sa mga ipinagtapat ko na sa kanya.

Hahayaan ko po na makipag-ugnayan siya kay Dora at hindi ako makikialam para ma­laman niya kung ano man ang hinahanap niya. Nga lang Dr. Love, dahil sa nangyayari ay parang tinatabangan na ako kay Lynda.

Dahil sa dami ng pwedeng magduda sa katapatan ko ay siya pa na masasabi kong sentro ng buhay ko. Payuhan po ninyo ako kung paano ko mapipigilan ang pagbabago ng aking kalooban sa kasalukuyan kong girlfriend.

Gumagalang,

Martin

Dear Martin,

Katumbas ng pusong tapat ay ang kalmadong kalooban. Kaya kalamayin mo ang sarili mo. Totoo na hindi maganda ang magkaroon ng pagdududa sa anumang pagsasama. Pero pinakamabuti na bigyan mo muna ng pagkakataon ang iyong girlfriend na i-settle ang kalooban niya sa kung ano man ang layunin niya sa pakikipag-usap sa iyong ex.

Sa sandaling magkaalaman na ay magiging mas madali hindi lang para sa iyo, kundi maging sa iyong girlfriend ang posibleng maging direksiyon ng inyong planong pagpapakasal.

Naniniwala ako na ang mga major decision na gaya nito ay nangangailangan ng katiyakan sa bawat panig dahil pareho itong babago sa inyong buhay, habang-buhay.

Kung tunay ang katapatan ng iyong ka­looban tungkol sa bagay na ito, mananatili nasa iyo ang payapang kalooban.

DR. LOVE

Show comments