Pinakamagandang regalo

Dear Dr. Love,

Halos isang taon din na walang kulay ang mundo naming magkapatid dahil sa matagal na tampuhan ng aming mga magulang. Kahit pa sabihin na nasa iisang-bubong ang aming papa at mama ay hindi po sila nag-uusap. Parang aso’t puso na bangayan nang bangayan. Kaming dalawa ng ate ko ang nagsisilbing reperi nila.

Kahit pa magkaharap sa lamesa, kailangan­ pa dumaan sa amin ni ate ang sasabihin ng ba­wat isa sa kanila. Kung may itatanong si mama ay sasabihin pa na itanong mo kay papa mo at ganon din naman si papa. Nakakabagot po ang ganitong sitwasyon sa bahay.

Nagsimula ang sigalot ng aming mga magulang dahil sa sobrang pagkaselosa ni mama, na ginagatungan naman ng pagiging asar ni papa kaya lalo silang nagkakainisan.

Pero kahit pa minsan ay hindi umuuwi ng bahay si papa para lalong patindihin ang selos ni mama, lagi pa ring hinihintay ni mama ang pag-uwi niya. Hindi kasi siya makatulog hangga’t wala sa bahay si papa.

Minsan nangyari uli ang ganito kaya mistulang guwardiya sibil kami ni ate na matiyagang naghihintay din kay papa. Ilang saglit pa ay tumunog ang telepono, ang lola na sinabing nasa kanila si papa dahil doon inabot ng sama ng pakiramdam. Tumaas ang blood pressure.

Nang marinig ito ni mama ay agad kaming pinasakay sa kotse at sinundo namin si papa. Ito na ang simula ng pagbabago sa kanilang relasyon, Dr. Love. Bati na po sila. Sa katuna­yan ay magkakasama kaming nagsimba noong Pasko at excited sa papasok na bagong taon.

Napakasaya po namin ni ate sa nakapa­gan­dang regalo sa amin ng Dios ngayong ka­paskuhan. Dininig po Niya ang panalangin namin­ ni ate.

Gumagalang,

Stephen

Dear Stephen,

Normal ang maraming bagay na hindi pinagkakasunduan ng mag-asawa, pero wala namang hindi napag-uusapan at tunay na ang lahat ng mga nangyayari sa ating buhay ay may magandang dahilan. Naging daan sa pag­­kakasundo ng inyong mga magulang ang pagkakasakit ng inyong papa dahil nanaig ang pagmamahal nila sa isa’t isa. Kasama n’yo ang pitak na ito sa panalangin magtuluy-tuloy na ang kaliga­yahan para sa inyong pamilya. Isang pinagpalang bagong taon ang hangad namin para sa inyo.

DR. LOVE

Show comments