Selos sa manugang

Dear Dr. Love,

Hindi ko po maiwasang magkimkim ng lihim na pagkayamot sa itinanang babae ng anak kong bunso. Matanda po ng tatlong taon si Melanie sa aking anak, manong hindi na lang sila nagpigil ng damdamin para hindi naunsiyami ang pangarap namin na maging doktor si Noel.

Sa pagbubuntis ng aking manugang ay lalong lumala ang selos ko, dahil pakiwari ko’y inagaw niya ang aking anak sa akin. Lalo nang makita kong iniabot sa kanya ni Noel ang unang sweldo nito sa trabaho. Kahit hindi nakatapos ng medisina ang aking anak ay naging advantage pa rin ang kinauwian niyang kurso na medical technology.

Isa pa ay tapos naman si Melanie at may trabaho, kaya marahil malakas ang loob nila na suungin ang buhay may asawa.

Pangako noon ni Noel, sa akin niya ibibigay ang unang sweldo at habang binata pa ay ako ang mag-iipon ng kanyang savings. Alam ko po na hindi maganda ang inaasal ko sa aking manugang na bukod sa maganda ay mabait at may mababang loob.

Sa kabila ng klase ng pakikisama ko sa kanya ay nagagawa pa akong abutan kada sweldo ng aking anak, gayung hindi naman ito kailangan gawin.

Marahil ang hindi tapat na pakikisama ko at mahirap pakibagayan ang nag-udyok para magdesisyon silang bumukod. Ayaw ko po sanang pumayag dahil malalayo sa akin ang aking unang apo. Pero hindi ko naman po maibulalas ang kalooban ko, dahil guilty naman ako.

Palagay po ninyo, kailangang ilabas ko ang aking mga baraha para magkaalam-alam na kung sino ang panalo sa aming dalawa ng aking manugang?

  Maraming salamat at bumabati ako sa inyo ng Masayang Pasko at Manigong Bagong Taon.

Gumagalang,

Mrs. Pacita Peralta

Dear Mrs. Peralta,

Hindi mo naman kailangan makipagkompetisyon sa iyong manugang. Ikaw na mismo nagsabi na mabait at may mababang loob ito, kaya natitiyak ko na dahil sa pagmamahal niya sa iyong anak ay ganon din para sa iyo.

Sikapin mo na supilin ang negatibong emosyon para sa iyong manugang. Dahil maaaring mag-ugat ito ng problema sa buhay ng sariling pamilya ng iyong anak. Hindi mo naman siguro gugustuhin na mapalitan ng lungkot ang masaya niyang buhay ngayon bilang ama ng kanyang mag-iina.

Hangad naming lahat sa PSN ang maligaya at makabuluhang Pasko para sa iyo at iyong pamilya.

DR. LOVE

Show comments